Quantcast
Channel: Pinoy Weekly » Lathalain
Viewing all 181 articles
Browse latest View live

‘Hindi pa tapos ang laban’ para sa Luisita

$
0
0
Sa kabila ng mga banta, nagpapatuloy ang bungkalan sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita (KR Guda)

Bungkalan sa Brgy. Balite, Hacienda Luisita (PW File Photo/KR Guda)

Malinaw ang maraming bagay para sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, na ilang dekada nang nakikipaglaban para sa kanilang lupa. Para sa kanila, matagumpay, ngunit “inisyal” pa lamang, ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang asyenda. Malinaw sa kanila na hindi “kampeon” ng repormang agraryo si Chief Justice Renato Corona. Katunayan, marami umanong butas ang desisyon ng Korte Suprema, na siguradong gagamitin ng mga Cojuangco para takasan ang pamamahagi ng lupa. Kaya’t malinaw din sa kanila na hindi pa tapos ang laban.

“Masayang masaya ang mga magsasaka sa desisyon ng Korte Suprema. Pero alam namin na marami pa kaming kakaharapin na problema,” sabi sa Pinoy Weekly ni Felix Nacpil Jr., tagapangulo ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala).

Noong Mayo 9, nagdaos ang Ambala ng ‘thanksgiving celebration’ o pista ng pasasalamat para sa lahat ng sumuporta sa kanilang laban. Patuloy nilang kakailanganin ang suportang ito, dahil inaasahang hindi hahayaan ng mga Cojuangco na mawala sa kanilang kamay ang lupa, lalo na’t kaanak nila ang nakaupong pangulo.

Posibleng maniobra ng mga Cojuangco

Mismong ang desisyon ng Korte Suprema ang posibleng magbigay-daan para sa  maniobra ng mga Cojuangco, ayon kay Atty. Jobert Pahilga, abogado ng Ambala. Pangunahin na rito ang kabiguan ng korte na ipirmi ang halaga ng kompensasyon para sa mga may-ari ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI).

Thanksgiving celebration sa Hacienda Luisita noong Mayo 9 (Contributed Photo/AMGL)

Militante pa rin ang mga magsasaka sa pista ng pasasalamat sa loob ng asyenda noong Mayo 9 (Contributed Photo/AMGL)

Kung ang mga magsasaka ang tatanungin, libre dapat na ipamahagi ang lupa, dahil kinamkam lamang ito ng mga Cojuangco mula sa kanilang mga ninuno. Pero kung kinakailangang magbayad (sang-ayon sa Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension and Reforms o Carper), iginiit ng mga magsasaka na ibatay ito sa halaga ng lupa noong 1989, na noo’y nasa P40,000 kada ektarya. Kinatigan ito sa desisyon ng korte noong Abril 24. Ngunit hindi nito isinaad ang eksaktong halaga, at ibinalik ang desisyon sa Department of Agrarian Reform (DAR). “As regards the issue of interest on just compensation, we also leave this matter to the DAR and the LBP (Land Bank of the Philippines), subject to review by the RTC (Regional Trial Court) acting as SAC (Special Agrarian Court),” ayon sa Korte Suprema.

“Dapat, ipinirmi na nila ‘yung compensation. ‘Yung DAR at Land Bank, under ito ng Office of the President, so ano ang aasahan mo? Kapag mababa yung valuation, kukuwestiyunin ito ng mga Cojuangco. ‘Pag mataas naman, kukuwestiyunin namin. So panibagong dispute na naman,” ani Pahilga. Hinihingi ng mga Cojuangco ang P10- Bilyon, o isang milyong piso kada ektarya.

Kuwestiyunable rin umano ang desisyon ng korte na isama sa babayarang kompensasyon ang interes sa lupa simula noong 1989, gayundin ang 264-metro kuwadradong homelots na ibinigay ng mga Cojuangco sa mga magsasaka noong 1996. Ayon kay Pahilga, ito ay “bagong mga isyu” na wala sa unang mga desisyon ng korte. Ngunit dahil tinatagurian nang final at executory ang desisyon, posibleng wala nang habol dito ang mga magsasaka.

“Bakit mo papatungan ng interes ‘yung lupa, na during those times ay di naman nakinabang ang magsasaka. Bakit sila bibigyan ng interes (mga Cojuangco) na all the time, sila ‘yung kumita? Babayaran ‘yun ng gobyerno, at eventually, babayaran ‘yun ng mga magsasaka,” ani Pahilga.

Atty. Jobert Pahilga (kanan), abogado ng Ambala (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Samantala, ang homelots ay ibinigay ng mga Cojuangco sa mga manggagawang-bukid na kinukumbinsi nilang sumailalim sa Stock Distribution Option. “Binigay nila ito nang libre, ngayon bakit pinababayaran? Ngayong natalo sila sa korte, sasabihin nilang ‘Hindi, sandali, magbayad pala kayo. Talo kasi kami.’ Hindi ba’t nakakatawa?” ayon kay Pahilga. Kinokonsidera ng Ambala na maghain sa Korte Suprema ng partial motion for reconsideration para sa mga isyu ng pagbabayad ng interes sa lupa at homelots.

Bentahe ng collective ownership

Noon pa man, iginigiit na ng mga magsasaka ng asyenda na kung ipapamahagi ang lupa sa kanila, bukod sa libre, dapat itong isailalim sa kolektibo, at hindi sa indibidwal, na pagmamay-ari.

Posible sa ilalim ng batas ang collective ownership o kolektibong pagmamay-ari ng lupa. “The beneficiaries may opt for collective ownership, such as co-workers or farmers cooperative or some other form of collective organization and for the issuance of collective ownership titles,” ayon sa Section 10 ng Carper o Republic Act 9700. Posible ang collective ownership kung ang mga benepisyaryo ay nagtatrabaho na nang sama-sama sa malaking bahagi ng lupa—gaya ng bungkalan ng mga miyembro ng Ambala na noong 2006 pa sinimulan at kanilang ipinagpatuloy, sa kabila ng mga banta at panghaharas ng mga Cojuangco.

Inihayag na ng Ambala sa DAR ang kahilingan para sa kolektibong Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Lalo umanong mapapabilis ang distribusyon ng lupa kapag collective CLOA ang ibibigay sa halip na individual. Inilinaw pa niya na posible pa rin namang mabigyan ng individual CLOA sa hinaharap ang isang indibidwal, kung gugustuhin niya.

“Ang bentahe nito (collective CLOA), maiiwasan ‘yung pagbabalik ng lupa sa mga Cojuancgo. Kasi kung isa ka lang na magdedesisyon, madali kang maakit. ‘Pag kolektibo, di madali na makuha ng panginoong maylupa ang lupa,” sabi ni Pahilga.

Marami umanong paraan para muling mapasakamay ng mga Cojuangco ang asyenda kapag naging indibidwal ang pagmamay-ari. Dito, hindi nakakatulong ang anim na buwang palugit na ibinigay ng korte sa DAR para ipamahagi ang lupa. “Maraming posibleng mangyari sa anim na buwan. Eventually, kukuha sila (HLI) ng mga magsasaka na masisindak, makukumbinsi, o mababayaran. Ang lupa nila ay makuha ulit sa pamamagitan ng leaseback o kaya joint venture agreement. Sasabihin sa mga magsasaka, ‘Kayo ang magtatanim, kami ang magbibigay ng kapital.’ Pero ang mga Cojuangco pa rin ang magdidikita kung ano ang itatanim, kung magkano ang sahod nila,” paliwanag ng abogado.

Tubuhan pa rin? Posibleng maibalik sa kontrol ng mga Cojuangco ang lupain sa Luisita kapag indibidwal ang distribusyon nito (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Kaya mahalaga ang konsolidasyon ng mga magsasaka, lalo na at “umeeksena” ang huwad na mga grupong magsasaka na pinakawalan ng HLI para hatiin ang kanilang hanay, ayon kay Nacpil. Ang Ambala at United Luisita Workers Union ang nanguna sa welga ng mga manggagawang-bukid noong 2004, at nagpetisyon sa Korte Suprema para ibasura ang SDO noong 2003. Nasa 5,357 ang miyembro ng Ambala, mula sa 6,296 na bilang ng mga benepisyaryo.

Ayon kay Pahilga, hindi dapat kilalanin ng DAR si Noel Mallari at ang bagong-tayo nitong grupo na Association of 1989 Original Farmworkers (AOF). Pinatalsik si Mallari mula sa Ambala, at naging empleyado ito ng Luisita Estate Management. Noong oral arguments sa Korte Suprema, sinuportahan ni Mallari ang mga argumento ng HLI. Ngunit nang manalo ang mga magsasaka, tinawag ni Mallari si Corona na “kampeon ng repormang agraryo” at ngayo’y nagmomobilisa para sa indibidwal na pagmamay-ari ng lupa.

Mga individual CLOA rin ang itinutulak ng Farm Workers Agrarian Reform Movement (FARM)-Luisita ng grupong Akbayan, at ng Lehitimong Manggagawang Bukid ng Hacienda Luisita (LMBHL), na binubuo ng mga supervisor ng Central Azucarera de Tarlac. Inihayag na ng LMBHL na balak nitong magtanim ng tubo gamit ang mga makina ng HLI, sa ilalim ng iskemang “profit sharing” o hatian sa kita, na sa esensiya ay walang pinagkaiba sa SDO.

“Naghahanda na kami, dahil inaasahan namin ang pananabotahe sa distribusyon ng lupa,” ayon kay Nacpil.

Tagumpay

Hindi pa rin mababalewala ang tagumpay na nakamit ng mga magsasaka sa desisyon ng Korte Suprema. “Sa bahagi ng Ambala na ayaw na talaga sa mga Cojuangco, makukuha nila ang lupa. Sa mga naninindigan na kanila ang lupa, makukuha nila ito.   Hindi na sila pwede diktahan, hindi na sila mae-expose sa kung anu-anong kaso, hindi na sila pagbabawalan sa nais nilang gawin sa lupa. Just the same, subject pa rin sila sa pagbabayad ng just compensation,” ani Pahilga.

Para sa mga magsasaka, walang hustisya sa just compensation na ito, anuman ang halaga. Ito’y dahil matagal nang pinakinabangan ng mga Cojuangco ang kanilang lupa. Inaasahan ding magiging mahirap ang pagsasaka dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno—isa pang matibay na dahilan kung bakit kinakailangang pagtulungan ang pagbubungkal ng lupa. “Dapat nga, kami pa ang binibigyan ng suporta ng gobyerno,” sabi ni Nacpil.

Maraming patuloy na kakalabanin ang mga magsasaka ng Luisita. Nariyan ang tuluy-tuloy na pananakot, panloloko, at panunuhol ng mga dating panginoong maylupa, gayundin ang atrasadong agrikultura at gobyernong walang malasakit sa kanila. Gayunpaman, kung mayroon man silang natutunan sa deka-dekadang pakikibaka para sa lupa ng Luisita, ito ay kapag sama-sama, malulubos nila ang tagumpay.


Gobyernong Aquino, siningil sa kapabayaan sa mga biktima ng gahasa

$
0
0

Nakipagdayalogo si 'Pamela' kay DOJ Sek. Leila de Lima, pero nabigo sa kanyang hiling na huwag paalisin ng bansa si Erick Shcks, ang Panamanian national na nanggahasa diumano sa kanya (Ilang-Ilang Quijano)

“Paano naman ako?” Ito ang paulit-ulit na itinatanong ni Pamela (di tunay na pangalan) tuwing sinasabihan na hindi maaaring litisin o ipakulong sa Pilipinas si Erick Shcks, isang Panamanian national na diumano’y nanggahasa sa kanya.

Kahapon, tuluyan na ngang umalis ng bansa si Shcks. Isang araw lamang bago nito, inamin ni Department of Justice (DOJ) Sek. Leila de Lima na dahil sa sertipikasyon ng diplomatic immunity na ipinagkaloob ng Department of Foreign Affairs (DFA) kay Shcks, hindi kayang pigilan ng Bureau of Immigration ang pag-alis ni Shcks. Siya mismo ang naghatid ng masamang balita sa biktima, sa isang dayalogo kasama ang mga miyembro ng grupong Gabriela.

Bigong ‘pakiusap’ ng DFA

Si Schks ay isang Technical Officer ng Panama Maritime Authority at may hawak ng diplomatic passport. Noong Abril 24, sinampahan ni Pamela si Shcks ng kasong rape sa Makati Regional Trial Court. Agad na nakipagnegosasyon si Panamanian ambassador Roberto Carlos Moreno para sa pagpapalaya ni Shcks na umano’y may diplomatic immunity. Ayon sa mga ulat, noong una ay itinanggi ng DFA na kasama si Shcks sa listahan ng mga diplomat na may immunity, at sa halip ay iniutos sa Philippine National Police na bigyan ng “special treatment” ang dayuhan, na dinetine sa isang kuwartong air-conditioned. Ngunit noong Abril 30, tuluyang binago ng DFA ang nauna nitong posisyon, at naglabas ng sertipikasyon na agad nagpalaya kay Shcks. Nakabatay ang immunity diumano ni Schks sa 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations.

Sa kabila ng “pakiusap” ng DFA sa gobyerno ng Panama (ayon sa Vienna Convention, ang gobyerno ng Panama lamang ang maaaring mag-waive ng immunity), at sa mga protestang idinaos ng grupong pangkakabaihan sa harap ng embahada ng Panama, opisyal na tinanggihan kahapon ng gobyerno ng Panama ang hiniling na waiver ng DFA. Ang tanging nagawa ng DFA, ideklara si Shcks na persona non-grata (PNG).

Ngunit ayon sa Gabriela, huli na ang deklarasyong ito. “Dapat idineklara ito nang mas maaga ng DFA at DOJ, at pinigilan ang pag-alis ni Shcks sa bansa. Paano na siya mapapanagot ngayon sa kanyang krimen?” ani Gert Ranjo-Libang, deputy secretary general ng Gabriela.

Ayon sa mga istap ng Gabriela na nakakausap ang biktima, ang 19-anyos na si Pamela ang breadwinner ng kanyang pamilya. Hayskul lamang ang kanyang tinapos, ngunit nagpursige siyang makapasok sa maayos na trabaho. Mahilig umano siyang magsulat sa kanyang libreng panahon.

Ngunit nagbago ang kanyang buhay nang gahasain ni Shcks sa loob ng kanyang condominium sa Makati City noong Abril 23. Ayon sa salaysay ni Pamela, nagpakilala lamang si Shcks na isang seafarer sa isang pagtitipon, at inimbita siya sa isang party sa kanyang condominium. Nagulat na lamang umano si Pamela na nag-iisa lamang siyang bisita. Bigla umanong nahilo ang biktima matapos pahithitin ni Schks ng mga dahon na kahawig ng marijuana, at saka siya ginahasa.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, inihayag ni Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela, na ang gobyernong Aquino ay naging “masyadong diplomatic, masyadong hospitable, hanggang sa punto na sinasakripisyo na ‘yung kapakanan ng kababayan natin.” Dagdag pa niya, “Kung ‘yung panghihimasok nga ng Tsina sa ating teritoryo, iginigiit ang gobyerno ang kapangyarihan nito. Pero pagdating sa mga kaso ng rape at karahasan sa kababaihan, may pagmamaliit na ginagawa, hinahayaan na lamang.”

Reklamo laban sa bise-alkalde

Kasabay ng kaso ni Pamela, isinapubliko rin nina Jasmin at Mina (di tunay na mga pangalan) ang panggagahasa sa kanila ng bise-alkalde ng Pantabangan, Nueva Ecija na si Romeo Borja Jr.

Labingwalong taong gulang pa lamang si Jasmin, ngunit walong buwan na siyang nagdadalang-tao dulot ng panggagahasa sa kanya ni Borja.  Anim na beses umano siyang ginahasa mula Hunyo hanggang Setyembre ng taong 2011, matapos siyang makilala ng bise-alkalde sa isang beauty contest. Hindi umano siya makapalag noon kay Borja dahil tinatakot siya nito, at pinagbabantaan.

Hindi lamang umano si Jasmin ang naging biktima, kundi maging ang kasambahay ni Borja na si Mina. Taong 2009 nang gahasain ni Borja si Mina, at nagbunga ng anak ang nasabing krimen. Bagaman nauna nang nagsampa ng reklamo si Mina ng rape at qualified seduction sa Cabanatuan City, wala pa ring pag-usad ang nasabing kaso. Bilang suporta, sinamahan ni Mina si Jasmin sa pagsasampa ng kaso sa DOJ laban kay Borja noong Mayo 7.

May mga ulat ding nakalap ang Gabriela Women’s Partylist sa Pantabangan na mayroon pang ibang mga naging biktima si Vice Mayor Borja, ngunit natatakot na lumitaw o dumulog sa pulisya. “Hinahangaan namin ang katapangan nina Mina at Jasmin. Panawagan ito sa kababaihan na basagin ang kultura ng pananahimik at mangahas na ipaglaban ang kanilang mga karapatan,” sabi ni Gabriela Rep. Luz Ilagan.

Sa dayalogo ng Gabriela sa DOJ, ipinangako na ni De Lima na isasailalim sa Witness Protection Program sina Jasmin at Mina, at kanilang mga pamilya, na nanganganib umano ang buhay. Nangako rin ang kalihim na mamadaliin ang imbestigasyon ng kaso.

Ngunit ayon sa grupo, hangga’t nasa puwesto si Borja, nasa disposisyon niya ang buong makinarya ng lokal na gobyerno, na posibleng gamitin para hadlangan ang isang mabilis at patas na pagdinig. Nanawagan ang Gabriela sa gobyernong Aquino na utusan ang Sandiganbayan na imbestigahan ang mga reklamo laban kay Borja. “Dahil siya ay isang elected public official, maging agresibo rin sana ang gobyerno na habulin siya, dahil the mere fact na may narereklamo ng panggagahasa, ano ang ginagawa ng gobyerno? Nakaantabay lang, na para na ring pagpayag dito,” ani Salvador.

Mas mabigat na parusa

Sa kaso nina Pamela, Jasmine, at Mina, malinaw na ginawa ang karumal-dumal na krimen ng persons of authority. Pinag-aaralan ngayon ng Gabriela kung paano aamyendahan ang Anti-Rape Law of the Philippines o Republic Act 8353 para mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga salarin na nasa posisyon ng awtoridad, gaya ng mga opisyal ng gobyerno, pulis, at militar.

“Dahil sa kanilang kapangyarihan, matapang silang gumawa ng krimen laban sa kababaihan. All the more na dapat mas mabigat ang parusa sa kanila. Dito, nakikita yung limitasyon ng kasalukuyang batas sa rape. Dapat aggravating factor sa rape kapag awtoridad ang gumawa, para maipakita na hindi natin hinahayaang gamitin ang kanilang kapangyarihan para sa karahasan sa kababaihan,” sabi ni Salvador.

Samantala, sinabi ni Ilagan na dapat ding repasuhin ng Kongreso ang Vienna Convention, dahil tila dehado dito ang mga mamamayan gaya ni Pamela. “We cannot have too much hospitality and too much diplomacy all at the expense of Filipino women, all at the expense of justice,” aniya sa isang privilege speech. Inihalintulad niya ang kaso ni Pamela sa kasong panggagahasa kay Nicole noong 2005, kung saan malayang nakaalis ng bansa ang salaring si US Marine Lance Corporal Daniel Smith.

Para sa Gabriela, kapag patuloy na hindi maresolba ang mga kaso ng panggagahasa, lalo ng persons of authority, magpapatuloy ang kultura ng walang pakundangang karahasan sa kababaihan, at pananahimik hinggil dito.

Ultimately, ang problema talaga dito, ang ating mismong gobyerno ay hindi kayang protektahan ang kababaihan laban sa karahasan. At sa harap ng karahasan, hindi rin niya kayang tiyakin ang pagkakaroon ng hustisya para sa mga biktima,” pagtatapos ni Salvador.

 

‘Pista ng paglabag sa karapatang pantao’

$
0
0
Tangan ng isang magsasaka ang poster na 'Wanted Palparan', inakusahan ng iba't ibang grupo si dating heneral Jovito Palparan na siyang may kagagawan umano ng maraming pagpaslang sa rehiyon ng Timog Katagalugan kung saan siya nadestino. (Macky Macaspac)

Tangan ng isang magsasaka ang poster na 'Wanted Palparan', inakusahan ng iba't ibang grupo si dating heneral Jovito Palparan na siyang may kagagawan umano ng maraming pagpaslang sa rehiyon ng Timog Katagalugan kung saan siya nadestino. (Macky Macaspac)

“Walang ipinagdiriwang ang mga mamamayan ng Quezon. Sa halip, nagluluksa sila dahil sa matinding militarisasyon na patuloy na banta sa kanila at kanilang kabuhayan.”

Ito ang sinabi ni Peter Gonzales, tagapagsalita ng Task Force Stop Militarization at Save the People of Quezon, sa harapan ng Kampo Aguinlado, punong kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), noong Mayo 15.

Noong araw na iyon, ginanap ang pistang Pahiyas sa Lucban, Quezon. Ito ang taunang kapistahan ni San Isidro Labrador, bilang pasasalamat sa magandang ani ng mga magsasaka. Pero sa halip na magdiwang, nagmartsa ang mga magsasaka bitbit ang isang tunay na kabaong na simbolo umano ng malawakang paglabag sa Karapatang pantao sa probinsiya ng Quezon at sa iba pang panig ng rehiyong Timog Katagalugan.

Sa halip na magdiwang para sa kapistahan ni San Isidro Labrador, nagmartsa at nagprotesta ang mga magsasaka mula sa probinsiya ng Quezon upang kondenahin ang diumano'y malawakang paglabag sa karapatang pantao na idinudulot ng matinding militarisasyon.  (Macky Macaspac)

Sa halip na magdiwang para sa kapistahan ni San Isidro Labrador, nagmartsa at nagprotesta ang mga magsasaka mula sa probinsiya ng Quezon upang kondenahin ang diumano'y malawakang paglabag sa karapatang pantao na idinudulot ng matinding militarisasyon. (Macky Macaspac)

Ayon sa Karapatan, ilan lamang sa kaso ng paglabag sa Karapatang pantao ang naranasan ni Christopher Prieto na taga-Sityo Pilsen, Brgy. Cambuga, Mulanay, Quezon. Pinaratangan si Prieto ng pinaghihinalaang mga militar na nagtatago ng mga baril noong Mayo 9.  Dahil sa pananakot, nilisan ni Prieto ang kanilang lugar.

Takot din ang namamayani kay Genelyn Dichoso, matapos tanggihan niya ang P150,000 na perang iniaalok sa kanya ng mga elemento ng 76th Infantry Batallion ng Philippine Army para di-magsampa ng kaso sa pagkamatay ng kanyang pamangkin na si Manilyn Caribot. Namatay si Caribot, 17-anyos, nang mag engkuwentro ang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) at 85th IB ng Army noong Abril 29 sa Lopez, Quezon. Ayon pa sa Karapatan, hinalughog ang bahay ni Dichoso habang inililibing ang kanyang pamangkin.

“Mga magsasaka ang sinasalanta ng Oplan Bayanihan, na nagtatago sa mga katagang ‘peace and development’. Sa totoo lang, walang kahit anino ng kapayapaan o kaunlaran na aming naransan.  Maliban na lang kung aalis ang mga militar,” ani Gonzales.

Binatikos din ng grupo ang AFP na nagpahayag na walang kahit isang kaso ang naisampa laban sa  hanay ng militar sa loob ng unang apat na buwan ng taon, at pawang mga akusasyon lamang ang  mga naisampa mjula noong Hulyo 2010.

“Tigilan na ng AFP ang pagkakalat ng mga kasinungalingan. Ang mga biktimang humarap sa press conference ang magpapatunay na may mga paglabag,” sabi naman ni Glendhyl Malabanan, pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Timog Katagalugan.

Sa isang press conference kamakailan, humarap sa midya ang mga biktima mula sa Timog Katagalugan. Inilabas nila ang  kanilang mga hinaing hinggil sa mga kaso ng paglabag sa Karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ipinakita ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Quezon ang mga basyo ng bala na mula sa militar, sa isang press conference ng Karapatan-Southern Tagalog, hinggil sa militarisasyon sa naturang probinsiya. (Kat Elona)

Ipinakita ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Quezon ang mga basyo ng bala na mula sa militar, sa isang press conference ng Karapatan-Southern Tagalog, hinggil sa militarisasyon sa naturang probinsiya. (Kat Elona)

Kuwento ng karahasan

Pauwi na umano ang asawa ni Mirasol na si Felix Baston, isang magsasaka, mula sa pagbebenta ng puso ng saging isang umaga noong ika-27 ng Marso, 2011. Pambili ni Felix ng bigas para sa pamilya ang pinagbentahan ng puso ng saging. Ayon sa mga nakasaksi, tinambangan siya ng 85th Infantry Battalion ng Army na mulang Camp San Miguel Dao sa Lopez, Quezon habang naglalakad. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nahahanap si Felix.

“Pinagbintangang NPA ang asawa ko. Bakit siya pinagbintangang NPA? Wala naman siyang dalang baril, itak lang,” sabi ni Mirasol.

Sinabi ng mga biktima na karamihan sa mga dinurukot na mga magsasakat at iba pang sibilyan sa Quezon Province ay pinagbibintangang miyembro ng NPA bagama’t walang sapat na basehan.

Ilang kilometro mula sa tahanan nila Mirasol sa Macaleleng, isang magsasaka din ang pinagbintangang miyembro ng NPA. Nag-aararo at nangunguha lamang daw ng niyog ang magsasakang nagngangalang Biloy nang bigla siyang damputin at dalhin sa kampo ng mga militar, ani Orly Marcellana, tagapagsalita ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).

Hindi lamang mga magsasaka ang biktima ng mga pandarahas na ito, maging ang mangingisdang si Dondon Peros ng San Andres, Quezon ay nakaranas din at ninakawan pa umano siya ng 74th Infantry Battalion ng Philippine Army ng bangka at bigas.

“Pagsasaka at pangingisda pa naman po ang pangunahing kabuhayan dito, tapos ninanakawan pa kami,” ani Peros.

Maraming sibilyan sa kanayunan ang nagiging biktima ng pamamaslang tuwing may labanan sa pagitan ng NPA at mga militar, dahil madalas itong maganap sa mga komunidad, ayon sa Karapatan-ST.

Sa kabila ng lumulobong tala ng paglabag sa mga Karapatang pantao, wala umanong ginagawang hakbang ang lokal na pamahalaan ng Quezon upang solusyonan ang mga ito. “Lumapit nga kami sa mga opisyal ng Macaleleng, pero ang sabi nakakaabala lang daw kami,” ani Mirasol.

Lupain ng ligalig

Ibinalandra ng mga magsasaka ang isang kabaong sa harapan ng Camp Aguinaldo bilang protesta sa malawakang militarisasyon sa probinsiya ng Quezon. (Macky Macaspac)

Ibinalandra ng mga magsasaka ang isang kabaong sa harapan ng Camp Aguinaldo bilang protesta sa malawakang militarisasyon sa probinsiya ng Quezon. (Macky Macaspac)

Isa mga pinakamayamang lalawigan sa bansa ang probinsiya ng Quezon sa Timog Katagalugan.  Mayaman ito sa agrikultural na produksiyon gaya ng mais, palay, niyog at iba pa. Sagana din ito sa yamang mineral, at iba pang likas-yaman mula sa kabundukan at karagatan. Pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente dito.

May apat na distrito ang Quezon Province. Ang ikatlo at ikaapat na distrito ay tinaguriang South Quezon at Bondoc Peninsula na sentro ng produksiyong agrikultural kaya’t dito matatagpuan ang malaking bilang ng mga magsasaka at mangingisda. Nasa dalawang distritong ito ang mga proyektong pangkaunlaran ng gobyerno gaya ng Bio-Diesel sa Gumaca, Mirant Powerplant sa Atimonan, at Dam sa Macalelon.

Karamihan sa mga residente dito, tutol sa mga proyektong nais ng gobyerno, dahil masasagasaan nito ang kanilang tirahan at kabuhayan. Maaari silang mailipat sa malayong lugar kung saan malayo ang kanilang kabuhayan kung ipagpapatuloy ang mga proyektong ito ng gobyerno.

Tinagurian namang hacienda belt ang Bondoc Peninsula dahil sa libu-libong ektaryang lupang-sakahan na pagmamay-ari ng pamilyang Murray, Soleta, Estrada-Quizon, Tan, Reyes, at Matias.

Tutol din ang mga magsasakang taga-Quezon sa pangangamkam ng mga lupain nila ng iilang panginoong maylupa. Matagal na nilang ipinaglalaban na mabalik sa kanila ang lupang sakahan, at magkaroon ng reporma sa lupang sakahan.

Dahil sa pagdami ng bilang ng mga militar sa bahaging ito ng Quezon, nadiskaril ang pamumuhay ng mga residente dito na naglalayon umanong supilin ang paglaban ng mga mamamayan sa mga panginoong maylupa at sa gobyerno, ayon sa Karapatan-ST.

“Takot na ang karamihan sa mga sundalo. Paano na ang kabuhayan namin? ‘Di na ako nakakapag-araro. ’Yung iba nasa kalsada na nagtitirik ng bahay, natatalon ‘pag may mga sundalo,” ani Marcellana.

Kapag hindi umano pumayag ang mga residente sa gusto ng mga sundalo, nangunguha sila ng mga alagang manok ng mga naninirahan doon, at iba pang ari-ariang maaari makuha.

Sa kasalukuyan, walong batalyon ang nakatalaga sa South Quezon at Bondoc Peninsula.

Ayon sa Karapatan, nakatalaga dito ang 85th, 76th, 74th, at 59th IB ng Army. Kabilang din ang 1st Special Forces ng Army, 201st Brigade, 2nd Infantry Division, Citizen Armed Force Geographical Unit, at 416th Provincial Police Mobile Group.

Ito ang pinakamaraming batalyong naitalaga sa bahaging ito pa lamang ng Quezon Province.

“Naalarma kami sa tunay na intensyon ng malawakang militarisasyon. Ang sabi ng AFP bahagi ito ng kanilang pamamaraan para lusawin ang NPA, pero mga sibilyan sa kanayunan ang nagiging pangunahing biktima ng pang-aabuso ng mga sundalo,” ani Malabanan.

Tanggalin ang Oplan Bayanihan

Hindi nagdiriwang ang mga magsasaka sa Quezon, kundi nagpoprotesta. (Macky Macaspac)

Hindi nagdiriwang ang mga magsasaka sa Quezon, kundi nagpoprotesta. (Macky Macaspac)

Ayon sa ulat ng Karapatan, ang militarisasyong ito ay bunsod ng programang Oplan Bayanihan na programang kontra-insurhensiya o kontra sa mga taong lumalaban sa gobyerno. Katulad umano ito ng Oplan Bantay Laya noon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni Arroyo noon, umabot sa 1,206 ang biktima ng pulitikal na pamamaslang, 206 ang mga dinukot, at libu-libong kaso ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao ang naitala.

Itinatago ng pamahalaan ang Oplan Bayanihan sa ngalan ng “kapayapaan at kaunlaran”. Ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao, “balatkayo” lamang daw ang paggalang umano nila sa karapatan ng mga tao sa pamamagitan ng dental at health missions, at iba pa. Ang katunayan, matapos nito, minamaltrato nila ang mga sektor sa nayon.

“Dapat ng paalisin ang kasundaluhan sa kabundukan. Sa halip na pinagtatanggol kami, dinadahas pa kami,” ani Marcellana.

Hindi lamang mga residente ng Quezon Province ang nakararanas ng mga paglabag sa karapatang pantao. Noong termino ni Arroyo, naitalang 180 ang kaso ng pulitikal na pamamaslang, 32 kaso ng pandurukot, at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Timog Katagalugan.

Para sa mga militanteng magsasaka ng rehiyon, nakadisenyo ang programang kontra-insurhensiya para depensahan ang despotikong mga panginoong maylupa at malalaking negosyante sa lugar.

“Inaalagaan lang ng mga militar ang interes ng mga panginoong maylupa at may-ari ng malalaking negosyo sa nayon,” sabi ni Pedro Gonzales, pangkalahatang kalihim ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas-Timog Katagalugan (Pamalakaya-TK).

Kasabay ng pagkondena  at panawagan na agarang paalisin ang mga militar sa probinsiya ng Quezon, nagsampa rin ang grupo ng kaso sa Commission on Human Rights. Isa namang resolusyon ang isinampa ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na nagpapanawagan ng imbestigasyon sa mga paglabag sa Karapatang pantao sa Quezon at agarang pagpapa-alis sa mga militar sa naturang lugar.

“Ang Oplan Bayanihan ni Aquino ay bumibiktima sa buhay at aria-arian ng libu-libong  magsasaka. Hinihiling namin ang kagyat na pag-alis ng puwersang militar sa Timog Quezon at Bondoc Peninsula,” pahayan ni Mariano.

Iginigiit naman ng mga magsasaka at kamag-anak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, na hangga’t manhid ang administrasyong Aquino sa panawagan ng mga mamamayan para sa kanilang mga batayang karapatan, wala silang pagpipilian kundi ang manindigan at lumaban.

May ulat ni Kat Elona

 

Plantasyon ng palm oil, kinamkam ang lupaing ninuno sa Misamis Oriental

$
0
0

Tila pribadong pag-aari na ng A. Brown ang isang pampublikong lupain ng mga Higaonon sa Opol, Misamis Oriental. Pinagbawalan ng kompanya ang mga bisita ng katutubong si Consolacion Payla sa loob ng kanyang bahay, na matatagpuan sa gitna ng plantasyon ng palm oil. (Ilang-Ilang Quijano)

“Isang araw, biglang dumating ang mga guwardiya. Tinutukan nila ako ng mahahabang baril. Nag-spray sila (ng mga kemikal) sa aking mga tanim na saging at niyog. Binunot nila ang mga cassava. Nang mamatay o mawala na ang aking mga tanim, nag-bulldozer sila, at saka tinaman ng palm oil ang aking lupa.”

Nagpupuyos sa galit ang 66-anyos na si Amadeo Payla, isang katutubong Higaonon sa Brgy. Tingalan, Opol, Misamis Oriental. Kuwento niya, sa ganitong marahas na paraan unti-unting kinamkam ng A. Brown Company, Inc. ang may 520-ektarya na pampublikong lupain. Kasabay ng panunuhol at panlilinlang, isang plantasyon ng palm oil ang ngayo’y nakapuwesto sa dating mapayapang komunidad ng mga katutubong magsasaka.

Sa ngalan ng palm oil

Kalbo na ang karamihan sa mga kabundukan ng Opol. Malayung-malayo na ito sa dating kagubatan na tahanan ng mga Higaonon bago pa man dumating ang mga Espanyol. Noong dekada ’50, isang piloto na si Capt. Jose Carrie ang unang nangamkam sa kanilang lupain; dinahas at tinakot ang mga katutubo para gawin itong pastulan. Ang totoong layunin umano ni Carrie, at ng iba pang panginoong may-lupa na sumunod sa kanya, magtroso at ubusin ang mga puno sa kagubatan.

Pagsapit ng dekada ’60, marami na sa mga Higaonon ang nakabalik sa lupa. Ngunit muli itong inangkin ng isang panginoong may-lupa na nagngangalang Victor Paras. Dahas din ang naging paraan ni Paras para palayasin ang mga katutubo. Sinunog ang kanilang mga bahay, at walang habas na namaril ang mga guwardiya, kuwento ng mga katutubo.

Sa paglipas ng panahon, at marahil dahil ubos na ang mga puno, pinabayaan na ni Paras ang lupa. Inokupahan itong muli ng mga Higaonon, tinaniman, at ginawang produktibo. Ngunit noong 2010, bigla na lamang nanghimasok ang A. Brown, sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Isa ang A. Brown sa sa apat na pangunahing kompanya ng palm oil sa Pilipinas.

Lumalago ang industriya ng palm oil sa daigdig dahil sa lumalaki umanong pangangailan para dito. Sangkap ang palm oil sa marami sa mga produkto gaya ng processed food at cosmetics. Isa rin ito sa pinagkukunan ng biofuel, o alternatibo sa krudo. Dahil mabilis tumubo ang halamang palm oil, mabilis din itong pagkakitaan, bagay na sinamantala ng malalaking kompanya, lalo na sa mahihirap na bansang agrikultural.

Plantasyon ng palm oil ng A. Brown sa Brgy. Tingalan, Opol (Ilang-Ilang Quijano)

Numero unong exporter ng palm oil ang Indonesia at Malaysia, kung saan milyun-milyong ektarya—marami ay dati ring kagubatan at lupaing katutubo—ang tinatamnan ng palm oil. Sa Pilipinas, nasa 46,608 ektarya pa lamang ang saklaw ng mga plantasyon ng palm oil, ayon sa datos ng Philippine Palm Oil Development Council noong 2009.

Prayoridad ng gobyerno na palawakin pa ang mga plantasyon ng palm oil sa bansa. Sa Mindanao pa lamang, may 304,350 ektarya ang tinatarget na tamnan ng palm oil.

Biktima ng ganitong ekspansyon ang mga katutubong Higaonon sa Opol, kung saan bigla na lamang dumating ang A. Brown noong 2010. Ang A. Brown, isang kompanyang pag-aari ng negosyanteng Filipino-American, ay mayroon ding mga interes sa pagmimina, quarrying, enerhiya, at real estate. Mayroon itong 800-ektaryang plantasyon ng palm oil sa Impasugong, Bukidnon na “kinamkam din mula sa mga katutubo,” ayon kay Jomorito Goaylon, tagapangulo ng Kalumbay Regional Lumad Organization na naka-base sa Bukidnon.

Kasama ang Kalumbay, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Pesticide Action Network Asia and the Pacific, at Asian Peasant Coalition sa mga grupong sa naglunsad ng isang International Fact-Finding Mission (IFFM) noong Mayo 6-10 para imbestigahan ang umano’y pangangamkam ng lupaing ninuno sa Opol.

Pandarahas sa katutubo

Sa isang pulong na ipinatawag ng DENR-Community and Environment and Natural Resources Office (CENRO) Region 10 noong Pebrero 2011, inanunsiyo ang pag-uumpisa ng operasyon ng A. Brown sa ilalim umano ng Community-Based Forest Management (CBFM) Program. “Ipinangako ng kompanya na babayaran ng P9,000 kada ektarya ang mga magsasaka. Sinabi rin nila na hindi pipilitin ang mga ayaw pumayag,” ayon kay Rubenson Batuto, residente ng Brgy. Tingalan at bise-presidente ng Pangalasag, lokal na grupo ng mga katutubo.

Ngunit hindi binayaran ang mga magsasaka. Marami rin ang sapilitang inagaw ang lupa ng mga guwardiya ng A. Brown. “Kinuha nila ang aking mga niyog at sinunog ang aking bahay,” ayon sa 64-anyos na si Victoria Tabubo, residente ng Brgy. Bagocboc. Nang dahil sa takot, hindi na siya bumalik sa kanyang lupain.

Nagpupuyos sa galit ang mga Higaonon habang ikinukuwento ang pandarahas sa kanila para mapalayas sa kanilang lupaing ninuno (Ilang-Ilang Quijano)

Noong Marso 10, 2011, walong magsasaka ang pinaputukan ng mga guwardiya ng A. Brown at miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) habang nagtatayo ang mga ito ng kubo. Kuwento ni Edwin Baranggot, “Tinutukan kami ng baril at sinabing ‘walang gagalaw.’ Sa halip na magpakita sila ng warrant of arrest, nagpaputok sila sa ere. Tumakbo kami, at saka nila kami pinagbabaril.”

Isang magsasaka ang sugatan sa insidente, habang ikinulong naman ng dalawang linggo si Baranggot at isa pa niyang kasamahan para sa kasong direct assault. Aniya pa, bago siya dalhin sa presinto, binugbog muna siya ng NBI, habang sinasabing “Bakit kayo nagtatanim dito? Bakit hindi niyo na lang ibigay ang lupa sa A. Brown?”

Sa dayalogo ng IFFM kay Opol Mayor Dexter Yasay, inamin nito na siya ang nagpaaresto sa mga magsasaka na inaakusahan niyang binabantaan ang mga opisyal ng barangay na pumapabor sa A. Brown. Inamin din ni Yasay na suportado niya ang pagpasok ng plantasyon. “If there is no palm oil what else can we do as of the moment? With our limited resources, let’s face the reality that we need those industries to generate employment in our area,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.

Lasong dala ng plantasyon

Simula nang pumasok ang A. Brown, naging mga trabahante na nga ang ilan sa mga katutubo na pagsasaka ang dating ikinabubuhay. Nangako ang kompanya na gagawin silang regular na manggagawa. Ngunit kontraktuwal lamang ang karamihan sa kanila, at sumasahod ng mababa pa sa minimum (P247 kada araw). Kumuha rin ang kompanya ng mga dayong trabahante mula sa Bukidnon.

Isa ang palm oil sa mga industriyang agrikultural na malakas gumamit ng kemikal na mga pestisidyo. Isa mga natukoy na ginagamit sa plantasyon ang carbofuran, isang pestisidyong tinuturing lubos na mapanganib (highly hazardous) dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan at kapaligiran.

Kuwento ni Batuto, inirereklamo sa kanya ng mga manggagawa na hindi sila binigyan ng karampatang impormasyon hinggil sa carbofuran. “Sinabihan sila na abono lang ito. Pero nang buksan nila ang lalagyan, nahilo sila sa lakas ng amoy,” aniya.

Nagkakasakit at namamatay ang tanim ng mga katutubo simula nang gumamit ng nakalalason na mga pestisidyo ang plantasyon. (Ilang-Ilang Quijano)

Nararamdaman na rin ng ibang residente ang mga epekto ng paggamit ng pestisidyo. “Marami sa mga bata ang laging inuubo at sinisipon. Nagkakaroon kami ng mga sakit sa balat, dati-rati wala naman,” ayon kay Consolacion Payla, asawa ni Amadeo. Kontaminado na rin umano ang sapa na dati nilang pinaliliguan.

Namamatay maging ang mga puno ng saging at niyog na tanim ng mga katutubo—tinamaan ng mga sakit at peste na anila’y sumulpot lamang nang mag-umpisa ang pag-spray ng pestisidyo mula sa plantasyon ng palm oil.

‘Public-Private Partnership’

Sa isang dayalogo sa mga opisyal sa pambansang tanggapan ng DENR, lumalabas na walang batayan ang operasyon ng A. Brown sa Opol. Ayon sa mga dokumento ng DENR, nakansela na noong 2011 ang Forest Land Grazing Land Agreement sa pagitan ng gobyerno at Paras. Isang special power of attorney ang ipinagkaloob ni Paras sa A. Brown, na “ibinibigay sa kompanya ang kontrol ng lupain.” Ngunit ayon kay Joey Austria, hepe ng Indigenous Community Affairs Office, hindi nito binibigyan ng karapatan ang A. Brown na magtanim ng palm oil sa lugar, na dapat ay saklaw ng isang Upland Agro-Forestry Program.

Hindi pa aprubado ng DENR ang aplikasyon ng A. Brown para dito. Gayundin, hindi pa aprubado ang aplikasyon ng isang grupo ng mga magsasaka (na ayon sa Pangalasag ay hindi kumakatawan sa interes ng mga katutubo) para isama sa CBFM ang dating pastulan. Sa ngayon, hindi saklaw ng CBFM ang nasabing erya, taliwas sa sinasabi ng mga opisyal ng DENR-CENRO Region 10.

Tuktok ng burol na sagradong lugar para sa mga Higaonon, nasira sa quarrying para sa konstruksiyon ng kalsada papasok sa plantasyon ng A. Brown (Ilang-Ilang Quijano)

“Tinatrato kami na parang iskuwater sa aming sariling lupain. Pero lumalabas ngayon na sila ang tunay na iskuwater,” ani Batuto.

Sa kabila nito, binigyan pa ng Board of Investments ang A. Brown ng tax perks o insentibo sa buwis. Ayon kay Antonio Flores, miyembro ng pambasang konseho ng KMP, “Ipinapakita nito ang tunay na katangian ng Public-Private Partnerships ng gobyernong Aquino—ang pagbibigay ng halaga sa pribadong tubo, kaysa sa kapakanan ng mga magsasaka at katutubo.”

Daan-daan pang mga pamilyang Higaonon ang patuloy na naninindigan para sa kanilang lupa, kahit pa unti-unti silang pinalilibutan ng plantasyon ng isang kompanyang tila walang respeto sa kanilang mga karapatan. Para sa kanila, walang kapatawaran ang pambababoy at paninira ng A. Brown sa mga lugar na tinatagurian nilang sagrado. Isang puno ng balite na nagsisilbing sambahan ng kanilang mga ninuno ang pinutol ng kompanya, ayon sa mga katutubo. Gayundin, kinalbo para sa konstruksiyon ng kalsadang dinaraanan ng mga sasakayan ng A. Brown ang tuktok ng isang burol na pinagdarausan ng kanilang mga ritwal.

Ngayon, araw-araw dinaraanan ng mag-asawang Payla ang kalsada sa burol na ito, ang dumaarang mga trak at kotseng magagara tila simbolo ng araw-araw na pagsagasa sa kanilang dignidad at karapatang pantao. “Lalaban kami,” pangako ni Consolacion. “Dahil kung hindi, tuluyan nang masisira ang aming pamumuhay, ang lupa na tahanan namin at ng aming mga ninuno.”

Pagharang ng mga guwardiya ng A. Brown sa mga miyembro ng International Fact-Finding Mission na bibisita sana sa bahay ni Amadeo Payla (kaliwa) sa loob ng plantasyon. (Ilang-Ilang Quijano)

Party-list ng kabataan, ‘level-up’ na sa kumbensiyon

$
0
0
Kabataan Party-list Convention sa PUP Sta. Mesa, Manila noong Mayo 11. (Kontribusyon)

Kabataan Party-list Convention sa PUP Sta. Mesa, Manila noong Mayo 11. (Kontribusyon)

“Hindi lang isa, hindi lang dalawa, ngunit tatlong kinatawan sa kongreso ang ating titiyakin!”

Ito ang pahayag ni Vencer Crisostomo sa harap ng mga kalahok ng nakaraang Kabataan Party-list National Convention na ginanap sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP)-Sta. Mesa noong Mayo 11.

Tinaguriang “Kabataan, Next-Level Na!” dinaluhan ito ng libu-libong kabataan at mga balangay ng Kabataan mula sa mga iba’t ibang komunidad at unibersidad ng bansa.

Ayon kina Kabataan Rep. Raymond Palatino at Crisostomo, nananatili pa ring mayor na puwersa ang kabataan sa ‘pagguuhit ng kasaysayasan’ sa kanilang paglahok sa halaan.

Nararapat lamang daw na maksimahin ang potensiyal ng sektor na ito lalo na’t 1/3 ng kabuuang populasyon ng botante ay galing sa kabataan.

Maliban sa pagsabak sa eleksiyon, nilayong paigtingin (o “iLevel-up”) ng Kabataan ang pakikibaka upang lalong “bigyang boses” ang kabataang Pilipino sa loob at labas ng Kongreso laban sa walang-tigil na pagtaas ng matrikula, pagsikil sa karapatang pantao at iba pang isyung panlipunan.

“Alam po nating isang krimen para sa kabataan ang hindi makapagsalita, ang hindi lumaban at hindi kumilos sa panahong ang kanyang mga karapatan ay dinudusta,” dagdag ni Crisostomo.

Isa ang partido sa mga nanguna sa mga protesta laban sa mga nakaraang pagkaltas ng badyet sa edukasyon ng gobyerno at pag-pasa ng “Anti-No Exam, No Permit” policy sa kamara nuong 2011.

Pambato ng Kabataan

Kampanyang "Isang Milyong Panata" ng Kabataan. (Kontribusyon)

Kampanyang "Isang Milyong Panata" ng Kabataan. (Kontribusyon)

Bilang bukod-tanging representante ng sektor ng Kabataan sa Kongreso, ipinakilala ng partido sa nasabing kumbensiyon ang kanilang mga pambato sa darating na halalang 2013.

Si Crisostomo na tagapangulo ng Anakbayan ang napili ng kapulungan na unang nominado ng Kabataan. Pangalawang nominado ang tagapangulo ng Anakbayan-National Capitol Region si Mark Lui Aquino. Pangatlo si Terry Ridon, bagong abogado at pangulo ng Kabataan Party-list.

Pang-apat na nominado si Karlo Mongaya ng Kabataan sa Panay. Panglimang nominado si Asher Ayunar ng Kabataan Party-list sa Eastern Visayas. Ikaanim naman si Lee Biscarra ng Kabataan sa Ilocos.

Matandaang unang nakapagluklok ng kinatawan ang Kabataan taong 2007 sa katauhan ni Rep. Raymond Palatino, dating tagapangulo ng University Student Council sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at naging tagapangulo rin ng National Union of Students of the Philippines.

‘Isang milyong panata’

Sa kumbensiyon, inilunsad ng partido ang programang ‘Isang Milyong Panata Para sa Halalan.’ Kampanya ito para maghimok sa mahigit kumulang isang milyong kabataan na magparehistro sa darating na halalan.

Layon din ng Kabataan na maglunsad ng malawakang edukasyon sa hanay ng mga botante sa mga eskuwelahan, komunidad, at pagbabantay para sa isang malinis na eleksiyon.

Ayon sa bagong halal na pambansang pangulo ng Kabataan na si Ridon, kinakailangan ang mahigit isa’t kalahating milyong boto upang masiguro ang tatlong kinatawan sa Kamara de Representante.

Para kay Crisostomo, hindi raw ito imposibleng pagkat ‘patuloy na lumalakas ang suporta na inaani ng partido.’

“Noong nakaraang 2010 elections, dumoble ang boto ng Kabataan [mula sa boto nuong 2007] dala ng patuloy na suporta ng kabataang Pilipino…Lumawak, lumalakas, at lumalaban ang Kabataan,” dagdag ni Crisostomo.

Hinamon ng unang nominado ng partido na lalo pang pagtibayin ang suporta sa partido sa darating na taon upang maabot ang isa’t kalahating milyon.

‘Rakenrol hanggang umaga!’

Nagsimula sa seremonyang “flag dancing” ang pagtitipon, kung saang iwinasiwas ang mga asul na bandila ng Kabataan kasabay ng awiting rock.

Nagtanghal rin ang iba’t ibang grupong kultural ng mga kabataan nuong gabing iyon upang bigyang buhay ang pagtitipon sa Balagtas Hall ng PUP Sta. Mesa.

Ilan lamang  rito ay ang bandang Talahib, ang kabataang rapper na si BLKD, at mga kabataan mula sa Silverio Compound na idinaan sa rap ang naranasang marahas na tangkang demolisyon sa kanilang komunidad nuong nakaraang buwan.

Samanatala, nagkaroon ng “slamming” at iwinagayway ng kabataan ang mga dalang bandera sa saliw ng kantang “Sugod” ng bandang Sandwich, na tinugtog naman ng bandang Take Off Your Shoes.

Mistulang nagsisiliparan rin ang ilang kabataang komunidad sa kanilang pagtatanghal habang ipinapamalas ang kanilang galing sa ‘break-dancing,’ isang tipo ng agresibo’t mabilis na sayaw ng kulturang hiphop.

Naghandog rin ng sayaw ang grupong Go Babes, na kinabibilangan ng coordinator ng Kabataan na si Chocnut Vargas.

Si Jennylyn at ang laban ng kababaihan

$
0
0
Jennylyn Mercado, sa kanyang ika-25 kaarawan, kasama ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Jennylyn Mercado, sa kanyang ika-25 kaarawan, kasama ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Para ipagdiwang ang kanyang ika-25 kaarawan, pinili ng tanyag na aktres at mang-aawit na si Jennylyn Mercado na maging miyembro ng Gabriela.

Dating biktima ng pandarahas ng bata pa siya, iniambag ni Jennylyn ang kanyang pangalan at reputasyon para sa organisasyong pangkababaihan na tanyag na lumalaban sa pandarahas sa kababaihan at bata sa bansa.

Sa isang mall sa San Jose del Monte, Bulacan noong Mayo 14, 2012 nagdaraos ng maagang selebrasyon ng kaarawan ni Jennylyn. Dito pormal at malugod na tinanggap ng mga lider-kababaihan ng Gabriela si Jennylyn.

Dinumog ng maraming tao ang selebrasyon. Pero naging lalong espesyal dahil kasama sa odyens ng programa ang mga miyembro ng Gabriela, mga maralitang bata, at kababaihan at batang survivor ng pandarahas.

Pero marami ring regular na fans ni Jennylyn, at iba pang manonood, ang nakinig sa programa. Hindi pinalampas ng Gabriela ang pagkakatapon para talakayin sa odyens iba’t ibang klase ng violence against women and children (VAWC).

Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, nakatutuwa ang paglahok ng isang celebrity tulad ni Jennylyn sa kanilang organisasyon. Mahalaga ang pag-ambag ni Jennylyn ng kanyang katanyagan para makaabot sa mas maraming bilang ng mga mamamayan na di pa naaabot ng Gabriela. Sa bahagi ni Jennylyn, nangako siyang tutulong sa mga programa at ibinibigay na mga serbisyo ng Gabriela para sa mga nangangailangan.

Paggawad ng Gabriela kay Jennylyn ng pagkilala sa mga ambag niya sa paglaban sa karahasan sa kababaihan at bata. (Macky Macaspac)

Paggawad ng Gabriela kay Jennylyn ng pagkilala sa mga ambag niya sa paglaban sa karahasan sa kababaihan at bata. (Macky Macaspac)

Sa panayam sa Pinoy Weekly, sinabi ni Jennylyn na gusto niyang makatulong at sumuporta, sa maliit niyang paraan, sa mas nakararami pang kababaihan para mabuksan ang kanilang isipan at ipaglaban ang karapatan nila bilang babae at mamamayang Pilipino.

“Kelangan natin lumaban para sa karapatan ng kababaihan,” sabi ni Jennylyn. Alam umano niyang maraming pinagdadaanan ang kababaihan ngayon, mula sa paghihirap at pagsasamantala, hanggang sa diskriminasyon at pandarahas. Hindi madaling malampasan ang mga ito.

Si Jennylyn, at ang kapwa aktres at kaibigan na si Isabel Oli. (Macky Macaspac)

Si Jennylyn, at ang kapwa aktres at kaibigan na si Isabel Oli. (Macky Macaspac)

“Nandito ako para magbigay ng lakas ng loob sa kababaihan at para din suportahan silang malampasan ang mga dagok na ito sa kanilang buhay,” aniya. Alam umano niyang may magandang bukas pa para sa kababaihan at sa bayan.

“Huwag silang matakot lumaban, at huwag silang matakot magbigay ng karapatan para sa sa sarili nila. Huwag silang magpapaabuso dahil di porke’t babae tayo ay puwede na tayong abusuhin. Bilang babae dapat matuto tayong ilaban ang ating mga karapatan,” paliwanag ng artista.

Sa selebrasyong iyon, hindi lamang kaarawan ni Jennylyn ang kanilang ipinagdiriwang. Ipinagdiriwang din niya ang simula ng paglahok ng isang artistang gustong makialam at mag-ambag sa paglaban ng kababaihan.

Iba pang larawan ng naturang pagdiriwang:

Sina Lana Linaban at Joms Salvador, na nagtalakay hinggil sa karahasan sa kababaihan at bata, bago umakyat ng entablado si Jennylyn. (Macky Macaspac)

Sina Lana Linaban at Joms Salvador, na nagtalakay hinggil sa karahasan sa kababaihan at bata, bago umakyat ng entablado si Jennylyn. (Macky Macaspac)

Mga miyembro ng Sining Lila, na nag-alay ng awitin hinggil sa paglaban ng kababaihan. (Macky Macaspac)

Mga miyembro ng Sining Lila, na nag-alay ng awitin hinggil sa paglaban ng kababaihan. (Macky Macaspac)

Si Jennylyn at mga lider-kababaihan ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Si Jennylyn at mga lider-kababaihan ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Si Jennylyn at ang Gabriela. (Macky Macaspac)

Si Jennylyn at ang Gabriela. (Macky Macaspac)

Ayon kay Jennylyn, matagal na niyang gustong maging miyembro ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Ayon kay Jennylyn, matagal na niyang gustong maging miyembro ng Gabriela. (Macky Macaspac)

Mahal, di maaasahang kuryente, dahil sa pribatisasyon

$
0
0

Salin sa Pilipino ni Kristine Joy A. Echaluce

Ikinuwento ni Inday Mahusay, 60, ang halaga ng kuryente sa kanyang munting negosyo sa Maco. (Paul Anthony N. Crooks / davaotoday.com )

Ikinuwento ni Inday Mahusay, 60, ang halaga ng kuryente sa kanyang munting negosyo sa Maco. (Paul Anthony N. Crooks / davaotoday.com )

MACO, Compostela, Philippines – Isang pribadong oil-fired power generation facility na tinatawag na Power Barge 118 ng Therma Marine Inc. (TMI) ang matatagpuan sa Maco, Compostela Valley. Pero mahal ang kuryente sa Maco.

“Pinapatay namin ang ilaw namin sa gabi, para mabawasan ang bayarin sa kuryente. Mas mahal na kasi ang singil ng kuryente dito kaysa sa Davao City,” saad ni Inday Mahusay, tindera ng sari-sari store sa lugar. Ilang metro lang ang layo ng tindahan niya sa TMI Power Barge 118 na pinatatakbo ng pinakamalaking tagasuplay ng kuryente, ang Aboitiz Power Corp. Ngunit kahit anong pagtitipid ang gawin nila, hindi pa rin mababawasan ang bayarin sa kuryente nina Inday. Gumagamit sila ng refrigerator para sa kanilang mga paninidang mga alak, softdrinks at yelo. Kahit pa man tatlo hanggang limang oras ang brownout nila roon araw-araw ay wala silang magawa kundi ang magbayad ng kanilang bwanang bayarin sa kuryente.

Ang kalagayan ng pamilyang Mahusay ay katulad din sa mga taong nakatira malapit sa power generating facilities. Andyan lang ang kayamanan, malapit lang, pero hindi para sa kanila ang kuryente. Halimbawa na rito ang mga komunidad sa Kidapawan City, North Cotabato at Iligan City, Lanao del Norte, na pawang mga biktima din ng mahaba at nakakamanhid na power cuts araw-araw.

Kanino ang benepisyo?

Ang Power Barge 118 ng Therma Marine Inc. sa Maco, Compostela Valley.  Binili ng Aboitiz Power Corp. ito mula sa National Power Corp. noong 2009.  (Paul Anthony N. Crooks / davaotoday.com)

Ang Power Barge 118 ng Therma Marine Inc. sa Maco, Compostela Valley. Binili ng Aboitiz Power Corp. ito mula sa National Power Corp. noong 2009. (Paul Anthony N. Crooks / davaotoday.com)

Itinayo ng gobyerno ang Maco Power Barge 188 noong 1994 sa pamamagitan ng National Power Corp. (Napocor). Makalipas ang 15 taon, binili ito ng Aboitiz, kasama ang PB 117 sa Nasipit, Agusan del Norte.

Maganda ang mga negosyo. Binili ng nangungunang kompanya ang apat pang ibang power barge noong Mayo ng huling taon. Pero ang mga residenteng tulad ng mga Mahusay, hindi binigyan ng mura at permamenteng suplay ng kuryente.

Kung ipapatupad ba ito sa lahat ng mga komunidad, makakabenepisyo ba ang karamihan?

“Mayayman lang ang may kaya nu’n, hindi kami,” dugtong pa ni Inday. Mahirap na para sa kanila ang panatilihin ang isang sari-sari store na kumukonsumo ng kuryente.

Nang maganap ang isang Mindanao Energy Summit na dinaluhan ng 300 power industry stakeholders noong Abril 13, binigyang-diin ni Pang. Benigno Aquino III ang pagsasapribado bilang “tanging solusyon” sa power outages. Ayon din sa kanya, “hindi maganda” na kinokontrol at pinatatakbo ng gobyerno ang Agus at Pulangi Hydropower Plants. Mas mabuti na raw ang ipagbili ito sa pribadong mga pag-aari. Pinigilan naman ito ng gobernador ng Agusan del Norte na si Rodolfo Del Rosario na ipagbili ito, dahil malaki ang nakukuha nilang kita na nagkakahalagang P7-Bilyon. Nakipagtalo pa rin si Aquino na “mas magandang long-term solution” ang pribatisasyon dahil magiging libre na raw sa burukrasya ang mga pasilidad na ito, at magiging malaya na mula sa tendensiya raw ng gobyerno na di-mahawakan nang maayos.

Kung ang mga natitirang pagmamay-ari ng gobyerno na power facilities sa Mindanao ay maipagbibili, asahan na lang nilang tataas pa ang bayarin gaya ng naganap sa Maco.

Para sa ordinaryong mga mamamayan tulad ng pamilyang Mahusay, karagdagan na namang pasakit sa kanila ang pribatisasyon na maaaring pumatay sa kanilang maliit na negosyo.

Human Rights Watch: Di pagpaparusa sa AFP, sanhi ng patuloy na paglabag sa karapatang pantao

$
0
0

Elaine Pearson, Deputy Asia Director ng Human Rights Watch, isang internasyunal na grupong pangkarapatang pantao (Raymund Villanueva)

Apat na taon na ang nakakaraan, nadismaya ang internasyunal na grupong Human Rights Watch (HRW) sa kabiguan noon ng gobyernong Arroyo na parusahan ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa mga paglabag sa karapatang pantao. Nang muling siyasatin ng grupo ang sitwasyon ngayon sa ilalim ni Pang. Benigno Aquino III, natuklasan nitong halos walang nagbago.

“There have only been four cases where cases of extra-judicial killings have been successfully prosecuted over the last four years. This is despite the fact that hundreds of leftist activists, clergy, and journalists have been killed. The administration has clearly failed to send a message that the perpetrators of these killings will be held accountable,” pahayag ni Elaine Pearson, Deputy Asia Director ng HRW.

Sa isang press conference sa Quezon City, binatikos ng grupo ang ulat ng administrasyong Aquino sa United Nations (UN) para sa gaganaping Universal Periodic Review (UPR) sa darating na Mayo 29 sa Geneva, Switzerland. Ayon sa ulat ng gobyerno sa UN, nakamit na nito ang 11 na komitment sa huling UPR noong 2008, kabilang na ang tuluyang pagtigil ng tortyur at ekstra-hudisyal na pamamaslang at pag-igting ng imbestigasyon at prosekusyon sa mga maysala.

Pero ayon kay Pearson, “retorika” lamang ang ulat ng gobyerno sa UN, dahil nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao. “The killings and disappearances have not stopped,” aniya.

Isang malaking dahilan dito ay ang umano’y kabiguan ng gobyerno na panagutin ang nasasangkot na mga miyembro ng militar, gaya ni Ret. Hen. Jovito Palparan. “We are afraid that members of the military and business interests seem to be protecting Palparan from being apprehended by the authorities…Members of the military are still failing to be held into account for their role in these abuses,” sabi ni Pearson. Hanggang ngayo’y wanted si Palparan para sa pagdukot ng dalawang estudyanteng sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan.

Punto pa ni Pearson, maging ang kapwa akusado nina Palparan na sina Lt. Col. Felipe Anotado at S/Sgt. Edgardo Osorio, inilipat mula sa sibilyan na piitan patungo sa kustodiya ng militar. “Even if members of the military are on trial, or are convicted of human rights violations, in many cases they are being held in military camps, which in some cases are not even (considered) detention,” aniya.

Panoorin ang bidyo:

Utak ‘task force’

Sa dokumentasyon ng HRW, may 10 katao ang pinaslang at dinukot sa unang taon ng panunungkulan ni Pangulong Aquino, ngunit wala ni isa sa mga suspek ang sumailalim sa matagumpay na prosekusyon.

Ito ay sa kabila ng € 3.9 Milyon na proyektong pinondohan ng European Union mula 2009 hanggang 2011 para diumano’y palakasin ang kapasidad ng sistema ng hudikatura na parusahan ang mga krimen gaya ng ekstra-hudisyal na pamamaslang at pagdukot, ayon sa grupo.

Inilinaw din ni Pearson na bagaman may bahagyang pagbaba sa bilang ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, ito ay dahil pa sa pag-iingay at pagpupursige ng mga grupong pangkarapatang pantao at kaanak ng mga biktima, at hindi dahil sa mga ginawa ng gobyerno.

Pinuna niya ang hilig ng gobyerno na magtayo ng mga “task force” para solusyunan ang problema, gaya ng Task Force Usig, Task Force Against Political Violence, at Special Task Force to Address Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances, na umano’y nagiging mekanismo lamang para sa PR (public relations) ng gobyerno.

Nawawala rin umano ng silbi ang ganitong mga task force dahil hindi naman nakikipagtulungan ang AFP sa Philippine National Police sa imbestigasyon sa mga kaso, at hindi rin ito pinupursige ng huli. “As soon as the evidence points to the military, often the trail goes cold,” sabi ni Pearson.

Sa ulat ng gobyerno sa UN, ipinagmalaki pa ng administrasyong Aquino ang pagsasanay ng militar at pulisya sa pagrespeto sa karapatang pantao. Pinangungunahan ng AFP-Human Rights Office (HRO) ang mga pagsasanay.

Pero ayon kay Pearson, hindi ito sapat. “Members of the military don’t commit abuses because they don’t know it’s wrong. They commit abuses because they know they can get away with it,” aniya.

Hindi rin umano isinasapubliko ng AFP-HRO ang mga resulta ng imbestigasyon nito, at salungat sa layunin nito, ay nagsisilbi ring mekanismo para depensahan o ang mga sundalong sangkot sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao

Oplan Bayanihan

Samantala, nang tanungin ng Pinoy Weekly hinggil sa pagtingin ng HRW hinggil sa Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng gobyerno na nagdudulot ng mga paglabag sa karapatang pantao, sinabi ni Pearson na inaaral pa ito ng grupo.

Ngunit kapuna-puna na umano ang pagkampo ng AFP sa mga eskuwelahan at iba pang pampublikong lugar. Nakakabahala rin umano ang red-baiting na patuloy na ginagawa ng militar.

“It’s still not clear wheteher there is a line drawn (by the military) between combatants and members of leftists organizations that are fighting for their rights. And it’s very dangerous if a spokesperson of the military is claiming that someone who is an anti-mining activist is actually a member of the NPA (New People’s Army), this is actually like a death sentence, given the number of killings that we’ve seen,” sabi ni Pearson.

Sa ulat ng gobyerno sa UN UPR, ipinagmalaki nito ang Oplan Bayanihan na “kumakatawan sa pagrespeto sa karapatang pantao.”

Ang UPR ay isinasagawa isang beses kada apat na taon para i-monitor ang komitment ng mga bansang miyembro ng UN sa pagrespeto sa karapatang pantao. Pangungunahan ni Department of Justice Sek. Leila de Lima ang delegasyon ng gobyerno ng Pilipinas. Lalahok din sa UPR ang grupong Karapatan para ihayag ang kanilang alternatibong ulat.

Kinilala ng HRW ang ilang mga positibong hakbang ng gobyerno ng Pilipinas sa usapin ng karapatang pantao simula noong huling UPR, gaya ng pagpasa ng Anti-Torture Act noong 2009. Pero ipinunto rin ng grupo na wala pang napaparusahan sa ilalim ng batas nito.

Kinilala rin ng HRW ang mga hakbang ng DOJ para kasuhan ang ilang mga suspek sa mga paglabag sa karapatang pantao. Pero ayon kay Pearson, ibang usapin pa ang pag-prosecute, pag-convict at tuluyang pagparusa sa mga ito.

Nagbigay ng ilang bagong rekomendasyon ang grupo sa administrasyong Aquino. Kabilang na dito ang pagsuspinde sa lahat ng mga miyembro ng militar na suspek sa mga kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang at pagdukot, habang nagaganap ang imbestigasyon; at pag-utos sa AFP na makipagtulungan sa mga ahensiyang nag-iimbestiga sa kaso.

Inirekomenda rin ng grupo ang pagtigil ng AFP sa pagbansag nito sa makakaliwang grupo bilang prente ng CPP-NPA (red-baiting) o kaya ng mga bata bilang rebelde. Gayundin, nanawagan sila kay Pangulong Aquino na tuparin ang pangako nitong ibabasura ang Executive Order 564, na nag-aarmas sa mga private army at grupong paramilitar.

Higit sa lahat, diin ni Pearson, dapat ipakita ni Aquino ang kaseryosohan nito sa pagtigil sa mga paglabag sa karapatang pantao, sa pamamagitan ng pagpaparusa sa mga salarin.  “We want to see the president sending a message from the top. That these cases (of human rights violations) are prioritized by the government…We simply haven’t seen that kind of statement from the top,” aniya.

May ulat ni Kristine Joy Echaluce


‘Dahil sa ‘kakarampot’ na COLA: wage board buwagin na’

$
0
0
Sa galit ng mga manggagawa sa pambabarat ng wage board. Kanilang idinikit sa pader ng tanggapan ng National Wage and Productivity Commission ang kanilang mga panawagan na P125 makabuluhang dagdag-sahod. (Macky Macaspac)

Sa galit ng mga manggagawa sa pambabarat ng wage board. Kanilang idinikit sa pader ng tanggapan ng National Wage and Productivity Commission ang kanilang mga panawagan na P125 makabuluhang dagdag-sahod. (Macky Macaspac)

“Katiting na nga, tiningi pa.”

Ito ang sinabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalhim ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa harapan ng tanggapan ng Regional Wage and Productivity Commission sa National Capitol Region. Reaksiyon niya ito sa P30 na dagdag Cost of Living Allowance (COLA) na iginawad ng naturang tanggapan sa halip na magbigay ng makabuluhang dagdag-sahod.

Nagrali ang mga mangggagawa ng KMU ang harap ng tanggapan ng wage board para kondenahin ang anila’y “kakarampot” na COLA sa kabila ng hiling ng malawak na bilang ng mga manggagawa na P125 across-the-board wage hike.

Ani Soluta, malayo sa maging sapat ang P30 na COLA na ibibigay pa sa regular na mga manggagawa nang tingi. Kahit pa isinama umano ito sa P22 na COLA na ibingay noong nakaraang taon.

“Ang hinihingi namin ay makabuluhang dagdag-sahod pero ang ibinigay ay barya-barya at tingi pa,” ani Soluta, sa kagyat na  P20 na dagdag sa COLA at P10 naman matapos ang anim na buwan.

Ang pinakahuling P30 dagdag sa COLA ay para lamang sa National Capital Region. Iba pa ang halagang ibibigay sa ibang rehiyon batay sa itinakda o itatakda ng bawat regional wage board.

Kaya naman nananawagan ang KMU na buwagin na ang mga wage board. Anila, hindi nito kinakatawan ang interes ng mga mangagagawa at nagiging instrumento pa ito ng lalong pagbabarat sa sahod ng mga mangagawa.

Panawagan ng KMU na buwagin na ang ang mga wage board dahil instrumento umano ito upang baratain ang sahod ng mga manggagawa. (Macky MAcaspac)

Panawagan ng KMU na buwagin na ang ang mga wage board dahil instrumento umano ito upang baratain ang sahod ng mga manggagawa. (Macky MAcaspac)

“Isa na naman itong patunay na hindi magbibigay ang mga wage board ng makabuluhang dagdag-sahod, kaya dapat nang buwagin. Instrumento lamang sila ng malalaking kapitalista at ng gobyerno upang baratin ang sahod ng mga manggagawa,” sabi ni Soluta.

Sinabi rin ng grupo na bumagal ang takbo ng pagtaas ng sahod lalo na sa tunay na halaga nito mula nang itatag ang mga wage board noong 1989.

Kahit umano sa datos ng Asian Development Bank na nalathala noong Agosoto 2011, nagpapakitang pinakamabagal na pagtaas ng sahod ang Pilipinas sa buong Timog Silangang Asya at may pinakamalaking diperensiya sa pagtaas ng produktibidad ng mga manggagawa kumpara sa pagtaas ng sahod ng mga ito.

Enero 1986 1991 1998 2003 2011
Tunay na halaga sa piso 137 209 215 238 248

Paniwala ng KMU, kaakibat ng pagtanggi ng gobyerno na magbigay ng makabuluhang sahod ang paghikayat sa dayuhang mga negosyante na mamumuhunan sa bansa dahil sa maliit ang gagastusin para sa sahod ng mga mangagawa.

Nilusob ng KMU ang tanggapan ng National Wages and Productivity Commission para kondenahin ang "kakarampot" na P30 dagdag sa Cost of Living Allowance na ibinigay ng wage board sa National Capital Region. (Macky Macaspac)

Nilusob ng KMU ang tanggapan ng National Wages and Productivity Commission para kondenahin ang "kakarampot" na P30 dagdag sa Cost of Living Allowance na ibinigay ng wage board sa National Capital Region. (Macky Macaspac)

“Krusyal ang papel ng mga wage board sa pagpapatupad ng mga patakaran ng gobyerno na naghihikayat sa investors sa pamamagitan ng pag-alok sa mura at sikil na paggawa. Magkatugma ang komposisyon nila sa patakarang anti-manggagawa na kanilang ipinapatupad,” sabi pa ni Soluta.

Binubuo ang regional wage board ng regional directors ng Department of Labor and Employment, National Economic Development Authority at Department of Trade and Industry. Dalawa naman ang mula sa sektor ng mga manggagawa at employer na parehong hinirang ng pangulo at may terminong limang taon.

Kaya ang iginigiit ng KMU ang pagbuwag sa ahensiya dahil hindi kilala ng mga manggagawa ang mga miyembro nito, dahil walang pananagutan ang wage boards sa mga manggagawa.

Nagbanta rin ang grupo ng mas malaking kilos-protesta sa darating  na Mayo 30 para kondenahin ang diumano’y pambabarat ng gobyerno sa kanilang sahod at ipanawagan na isabatas ang panukalang batas sa P125 across-the-board wage hike.

Coronavela

$
0
0
Impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona: Kailangang maging kritikal na suriin ng mga mamamayan. (Edward Ganal/Senate Pool)

Tunay na pakay ng administrasyong Aquino sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona: Kailangang kritikal na suriin. (Edward Ganal/Senate Pool)

Boboto na ang mga senador ng kanilang hatol sa kasong impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona. Kailangang maging mapagmatyag at mapanuri ang sambayanan, taliwas sa kuwento ng dominanteng midya na simpleng labanan ito ng Mabuti bersus Masama. Hindi mabuti ang layunin ng administrasyong Aquino sa pagtutulak ng impeachment at hindi rin puro masama ang ginawa ni Corona sa paglaban dito.

Noong una, malawak ang suporta sa pag-impeach kay Corona. Tampok na dahilan ang papel niya sa tangkang pagtakas sa bansa – at sa pananagutan sa mga krimen – ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo noong Nobyembre. Nabalikan pa ng tanaw ang pagbasura ng Korte Suprema sa Truth Commission na itinayo umano para imbestigahan ang mga krimen ni Arroyo. Gayundin ang maanomalyang pagkakatalaga niya sa puwesto. Malinaw sa lahat: Kasapakat siya ni Arroyo, malaking hadlang sa pagpapanagot dito.

Pero sa takbo ng impeachment, napaliit ang asunto sa kanya kaugnay ng tangkang pagtakas ni Arroyo. Napokus ang lahat sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, partikular sa hindi niya pagdedeklara ng kanyang dollar account deposits. Dito, nakapagbuo ng depensa si Corona: Mas maliit ang kanyang deposito kumpara sa akusasyon ng gobyerno. May batayang legal ang kanyang ginawa. May galit sa kanya ang Ombudsman kaya tumestigo laban sa kanya.

Sa simula ng impeachment, lantad ang kapalpakan ng prosekusyon at kahinaan ng kaso nito. Marami ang sumisi sa pag-aapura ng rehimen na isampa ang kasong impeachment, sa gitna ng usap-usapang may pagsuhol at pagbabanta na ginawa sa mga kongresista. Pero lahat ng kapalpakan ng prosekusyon, pinunuan ng malakas na propaganda ng rehimen gamit ang dominanteng masmidyang kakampi nito. Kung mahatulan mang maysala si Corona, malaking dahilan ang galaw ng gobyerno, pati na rin ng masmidya.

Ang malinaw sa tinakbo ng impeachment: Hindi umabante ang pagpaparusa kay Arroyo. Sa halip na ikulong, pinahintulutan ang hospital arrest. Pati ang pagdalaw sa namatay na bayaw, bagay na hindi karaniwan sa mga may kasong kriminal. Hindi umabante ang kasong isinampa sa kanya para hindi siya makaalis ng bansa noong Nobyembre. Hindi nagsampa si Ombudsman Conchita Carpio-Morales, na itinalaga ni Aquino, ng kasong pandarambong laban kay Arroyo. Ang nakasampa na, ginawa pa niyang simpleng graft.

Matatandaang lumipas pa ang mahigit 500 araw matapos maging pangulo ni Aquino bago niya nasampahan ng kaso si Arroyo. Sa kabila iyan ng matamis na pangako niya ng  “pagbabago.” Mahina pa ang kasong isinampa: ang pagsabotahe sa eleksiyong 2007, hindi sa kontrobersiyal na eleksiyong 2004. Napuwersa lang ang administrasyong Aquino na magsampa nito para pigilan si Arroyo na umalis ng bansa – hindi para parusahan si Arroyo kundi iwasan ang pagsambulat ng galit ng sambayanan kapag nakatakas ang dating pangulo.

Sa mga aksiyon ng administrasyong Aquino, malinaw na hindi ito seryoso sa pagpapanagot kay Arroyo. Hindi pa ito nagsasampa ng malalaking kaso ng pandarambong at paglabag sa karapatang pantao, na siyang mga tatak ng rehimeng Arroyo. Hindi rin nito naipapanagot ang maraming opisyal ng pamahalaan na nakinabang sa nakaraang rehimen at nagpatupad ng brutal nitong mga polisiya. Katunayan, nagawa pa nitong yakagin sa sariling Partido Liberal ang dating mga kaalyado ni Arroyo. Mayroon ding nakabalik sa matataas na posisyon sa administrasyon. At siyempre, nariyan pa rin, at nabigyan pa ng promosyon, ang matataas na opisyal sa militar na salarin sa malaganap na abuso sa karapatang pantao noon at ngayon.

Sa pagpapatalsik kay Corona, sigurado ito: Makokontrol din ni Aquino ang lahat ng sangay ng pamahalaan, kasama ang hudikatura. Hindi maitatanggi ang panganib na dala ng senaryong ito. Sa pagpapatalsik kay Corona, epektibong nasa kontrol na ng pangkatin ni Aquino ang lahat ng sangay ng gobyerno. Malaki ang tsansang mabaliktad ang desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos ng pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magbubukid. Mapanganib ang rehimeng kontrolado ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura, di lamang dahil walang checks-and-balances, kundi dahil mas magkakaroon ang rehimen ng kumpiyansang bumigwas sa itinuturing nitong mga kaaway. Kung nagawa nitong ibuhos ang buong makinarya ng pamahalaan kontra kay Corona, mas lalong kayang gawin ito ng rehimen kontra sa militanteng oposisyon.

Sa nagdaang impeachment trial, nakita na ang pagiging brusko at barumbado ng gobyerno. Bukod sa mga akusasyon ng panunuhol at pagbabanta sa Kongreso, may akusasyon din ng panunuhol sa Senado. Labag sa batas nitong pinalabas ang mga dokumento laban kay Corona mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kahit walang court order. Sa kabilang banda, lantad nitong sinabing mabagal na maipapatupad ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng Hacienda Luisita.

Resulta ng desperasyon ang paggamit ng rehimen sa mga dokumento mula sa AMLC. Bago lumabas ang mga ito, nagmukha nang palpak at namimingwit lang ng ebidensiya ang prosekusyon. Dahil dito, hindi malakas ang pagkondena sa Temporary Restraining Order na nauna nang inilabas ng Korte Suprema sa pagbubukas ng dollar account ni Corona. Pero dahil pursigido ang rehimen na tanggalin si Corona sa puwesto, itinulak nito ang paglabas ng mga dokumento mula sa AMLC, at sinikap pagbitawin si Corona.

Sa paglaban niya sa rehimeng Aquino, dulot tiyak ng desperasyon, nilabanan din ni Corona ang naghaharing sistema. Sa pamumuno niya, inilabas ng Korte Suprema ang makasaysayang desisyong ipamahagi ang lupa ng Luisita sa magbubukid – na hamon din sa mga panginoong maylupa. Hinamon niya ang 188 kongresista at si Sen. Franklin Drilon na isiwalat ang kanilang bank accounts at dokumento sa pinansiya.

Nang tumanggi sila, ipinakita niya ang pagiging ipokrito nila sa kusang paglalantad ng kanya. Noong Biyernes, Mayo 25, pumayag si Corona na pumirma ng waiver sa pagsiwalat ng laman ng kanyang bank accounts, nang walang kondisyon. Kung seryoso sana ang prosekusyon at administrasyong Aquino na makita ang katotohanan, malugod sana nitong tinanggap ang paanyayang silipin ang dollar accounts ng Punong Mahistrado. Kaso hindi: Tiniyak ng prosekusyon at ng mga senador na hindi mayayanig ang sistema. Kung papayag silang silipin ang bank accounts ni Corona, hindi malayong mahikayat ang publikong ipresyur din ang iba pang pulitiko tulad nila na buksan din ang bank accounts nila. Hindi pakay ng administrasyon ang pagyanig sa bulok na sistema. Pakay nilang ipreserba ang sistema kung kaya pinupuruhan lang si Corona.

Totoong kailangang managot sa sambayanan ang mga nagkasala rito. Kasama na sa dapat mapanagot si Corona, kung mapapatunayan ngang nangulimbat siya mula sa kabang-yaman ng bayan, o nagsubi ng di-maipaliwanag na kayamanan. Nangangarap ang mga mamamayan ng isang gobyernong — at hudikaturang — tunay na naglilingkod sa bayan. Ngunit malinaw sa itinakbo ng impeachment trial na hindi pagsugpo sa sistematiko at malawakang korupsiyon ang pakay ng administrasyon sa pagtugis kay Corona. Ni hindi nga nito pinananagot si Corona sa alegasyong tinulungan nito si Arroyo na muntik nang makatakas.

Pinagkaabalahan ng administrasyong Aquino ang impeachment habang kibit-balikat ito sa batayang mga kahilingan ng mga mamamayan, mula sa pagkontrol sa walang habas na taas-presyo ng langis at batayang mga bilihin, pagtigil sa mararahas na mga demolisyon sa mga maralita, hanggang sa panawagang dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno. Ipinagpatuloy nito ang programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan na target ang mga lumalaban sa rehimeng ito at kahit mga sibilyan. Nagpapatuloy ang impunity o kawalang-pananagutan sa mga paglabag sa karapatang pantao at abuso, mula sa extra-judicial killings at pagdukot, hanggang sa karahasan sa kababaihan at bata.

Malinaw na di-hamak na mas may maraming dapat sagutin ang administrasyong ito, at si Aquino mismo, sa mga mamamayan. Kung nais nating pagpanagutin ang tiwaling mga nasa poder, pagpanagutin natin, hindi lamang ang mga tulad ni Corona — na sa desperasyon ay kumilos din para labanan ang rehimeng Aquino — kundi maging ang mga nakikinabang, nangungulimbat at nagpapakasasa sa kasalukuyang administrasyon.

Kailangang maging mapagbantay at mapanuri ang sambayanan. Gusto nating mapanagot ang mga maysala sa bayan. Pero kasabay nito, dapat pagbantayan ang mga panganib kapag natanggal na si Corona.

Dagdag-pahirap na programang K+12

$
0
0
Magulo ang unang araw ng implementasyon ng K+12 sa Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City. (Ilang-Ilang Quijano)

Magulo ang unang araw ng implementasyon ng K+12 sa Corazon Aquino Elementary School sa Quezon City. (Ilang-Ilang Quijano)

Pumasok na sa Grade 1 sa Corazon C. Aquino Elementary School ang 6-anyos na apo ni Fe Ramirez, residente ng Batasan Hills sa Quezon City. Ngayong taon na sinasabi ng gobyerno na umpisa ng programang K+12, magiging isa ang kanyang apo na si Roxanne sa milyun-milyong kabataang Pilipino na isasailalim sa 12-taong batayang edukasyon, mula sa dating 10 taon.

Pero ayon kay Nanay Fe, maging noong nakaraang taon na tinaguriang nasa “eksperimental” na yugto ang K+12, at hanggang sa ngayon, walang paliwanag sa kanila kung ano ba ang K+12. “Naririnig lang namin sa balita. Siyempre kaming mga nanay, nagkakandarapa dahil may dagdag na dalawang taon kaming bubunuin,” aniya.

Pero simple lang sa mga nanay ang kahulugan ng K+12: dagdag na gastusin. At dahil wala namang kaukulang suporta sa gobyerno, duda silang magdudulot ng de-kalidad na edukasyon ang dagdag na dalawang taon sa eskuwela.

“Kung gusto nila ng de-kalidad na edukasyon, bakit hindi nila dagdagan ang mga klasrum at guro? Sa tingin ko, umiiwas lang ang gobyerno sa kanyang responsabilidad sa edukasyon, at ipinapasa ito sa aming mga nanay,” ayon kay Nanay Fe.

Sa Corazon C. Aquino Elementary School, hindi pa man tapos ang enrollment ay halos puno na ang mga klasrum sa unang araw ng pasukan. Ayon kay Paulino Medrano Jr., principal ng eskuwela, umaabot ng 60 hanggang 80 ang mga estudyante sa isang klase.

Sa harap ng paaralan, sinikap ng mga miyembro ng Gabriela na ipaliwanag sa mga estudyante at guro ang konteksto ng programang K+12. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa harap ng paaralan, sinikap ng mga miyembro ng Gabriela na ipaliwanag sa mga estudyante at guro ang konteksto ng programang K+12. (Ilang-Ilang Quijano)

“‘Yun ang numero uno naming problema: kakulangan ng klasrum at guro. Kaya hindi ko alam kung paano ipatutupad itong K+12 kung wala namang dagdag na badyet,” aniya, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ani Medrano, noong nakaraang linggo lamang nagsanay ang mga guro sa Department of Education para sa bagong curriculum ng K+12. Maging siya, hindi alam ang nilalaman nito. Hinaing ng principal, “Hindi muna kasi pinlano ang implementasyon nito.”

Kuwento naman ng isang guro ng Grade 1 na tumangging magpakilala, marami pang kulang sa training ng DepEd, bukod sa huli na ito naisagawa. “Halimbawa, bago ‘yung grading system, hindi pa namin alam kung paano,” aniya.

Nasa mahigit 500 ang naka-enroll sa Grade 1 sa nasabing paaralan–mas marami kaysa sa mahigit 400 noong nakaraang taon. Tantiya ni Medrano, lalo pa itong dadami sa susunod na mga araw dahil maraming papasok na transferees.

Kuwento ni Nanay Fe, kulang ang mga upuan sa klasrum kaya’t paminsa’y napipilitan si Roxanne na umupo sa semento. Tig-iisang CR lang rin ang mayroon sa buong gusali. “Yung iba, pinipigil na lang ang pagpunta sa CR dahil kapag umalis sila sa kanilang upuan, pagbalik nila ay may iba nang nakaupo rito,” aniya.

Tila ganito ang kalagayan sa maraming paaralan sa elementarya at hayskul sa bansa: Kulang na kulang na nga ang pasilidad sa pampublikong mga eskuwela, hindi pa naipaghandaan ang karagdagang taon sa pag-aaral ng mga bata.

Problemadong solusyon sa krisis ng edukasyon

Ayon sa mga grupong kabataan at guro, tila napapalala pa ng K+12 ng administrasyong Aquino ang taun-taong problema ng edukasyon.

“Hindi ibig sabihin ng bagong kurikulum ay nangangahulugan na agad ng improvement. Hindi dapat ng magpokus sa academic cycle, isang factor lang yan. Mas higit na dapat tugunan ang mga pundamental na problema ng edukasyon,” paliwnag ni Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa isang press conference sa Kamara.

Binigyang diin naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na matapos ang dalawang taon ng administrasyong Aquino, lalong nagkukulang sa kagamitan sa edukasyon ang mga pampublikong paaralan. Sa 2012, may kulang na 132,483 guro ang pampublikong mga paaralan. Mayroon ding kulang na 97,685 klasrum at 153,709 na tubig at sanitasyon, ayon kay Tinio.

Sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa press conference: Seryosong mga problema sa programang K+12 at sistema ng edukasyon. (Pher Pasion)

Sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Rep. Raymond Palatino, sa press conference: Seryosong mga problema sa programang K+12 at sistema ng edukasyon. (Pher Pasion)

Sinabi nina Palatino at Tinio na tila bigo rin si Pangulong Aquino na maglaan ng sapat na badyet para sa K+12 sa 2012 pambansang badyet.

Ayon kay Palatino, sa nakaraang committee hearing sa Kamara para sa programang K+12, sinabi ng Department of Education na kailangan nito ng dagdag na P100 Bilyon para sa implementasyon ng programa. Gayunpaman, walang malinaw na komitment sa bahagi ng budget department upang pondohan ang nasabing dagdag badyet na kailangan.

“Wala pa rin tayong kasiguraduhan na mapopondohan ito nang sapat,” ayon kay Tinio.

Naglaan ang administrasyong Aquino ng P238.8-B para sa DepEd sa taong 2012. Ang badyet na ito ay kulang ng P300-B, kung pagbabatayan ang rekomendasyon ng United Nations na dapat paglalaan ang mga gobyerno ng 6% ng Gross Domestic Product nito sa pagpatupad sa global standards ng edukasyon, ayon kay Palatino.

“Hindi natin maintindihan kung bakit naging flagship ito ng administrasyon, samantalang kulang naman sa suporta,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Palatino na kailangang tugunan muna ang mga batayang problema upang maging matagumpay ang K+12, tulad ng kakulangan sa guro, klasrums at mga pasilidad, na susi sa kaaya-ayang learning environment.

Naging mainit na usapin ang minadaling pagsasanay sa mga guro para sa implementasyong ng K+12. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), lumalabas sa ulat ng mga miyembro nilang guro na hindi pa handa ang mga module na gagamitin para sa buong taon. Siyempre, kahit ang mga teksbuk, hindi pa rin handa.

Ang volunteer teachers – na kontraktuwal – naman na magtuturo sa kindergarten ay tumatanggap lamang ng P3,000 hanggang P6,000 kada buwan. Ito ang pinakamababang natatanggap ng isang kawani sa gobyerno, paliwanag ni Tinio.

“Tatlo ang shift sa kindergarten dahil sa kakulangan ng klasrum at hindi nagpatayo ng mga klasrum para sa kinder. (Inaasahan din ang) pagbaba ng pamantayan sa pagkuha ng mga guro, (dahil) kahit di lisensiyado ay tinatanggap nila ang volunteers para magturo,” diin ni Tinio.

Nangangamba ang militanteng mga grupo tulad ng Gabriela na lalong dadami ang dropouts sa mga estudyante dahil sa K+12. (Ilang-Ilang Quijano)

Nangangamba si nanay Fe, miyembro ng Gabriela, na lalong dadami ang dropouts sa mga estudyante dahil sa K+12. (Ilang-Ilang Quijano)

Inirereklamo rin ng mga guro at magulang ng mga estudyante ang “problematikong” implementasyon ng “Home Study Program” na tulak ng kakulangan sa klasrum at guro.

Sa programang ito, nagiging Sabado na lamang ang klase sa mga estudyante at nagiging prayoridad ang “repeaters,” may-edad at may partikular na atensiyon na pangangailangan.

Pagtaas ng drop-outs

Pinangangambahan din ng militanteng kabataan ang pagtaas ng bilang ng drop-outs dahil sa K +12. Ngayon pa lamang, ayon sa Anakbayan, kalahati na ng populasyon ng kabataang Pilipino na may edad ng 11-15 anyos ay out-of-school youth. Samantala, nasa 80 porsiyento ang drop-out rate sa kabataan, ayon sa Anakbayan.

“Inenganyo pa nito ang pagtaas ng matrikula at kawalang pakiramdam sa dinaranas ng mga magulang at mag-aaral,” pahayang ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Ayon kay Crisostomo, tumaas ang matrikula sa mga pribadong paaralan dahil sa kabiguan ng gobyerno na iregularisa ito.

“Yung akses sa edukasyon, paano ireresolba kung papahabain ang education cycle, samantalang marami ang hindi makatuntong sa paaralan dahil batayan pa rin ang mga problema?” dagdag naman ni Palatino.

Sa pag-aaral ng ACT, napag-alamang kailangan ng P180,000 ang isang estudyante ng hayskul sa loob ng isang taon.

“Ang mga elitistang polisiya sa edukasyon ni Aquino ay nagdudulot ng higit na problema sa sektor ng edukasyon. Sa daang matuwid, dumiretso ang edukasyon sa bangin,” pahayag ni Crisostomo.

Pagkilos kontra K+12

Sa iba’t ibang paaralan, nagbantay ang militanteng mga grupo para imonitor ang unang araw ng pasukan at unang implementasyon ng K+12.

Ang grupong pangkababaihan na Gabriela, nagtayo ng “Bantay K+12″ para tumanggap ng mga reklamo mula sa mga nanay na apektado ng programang ito.

“Ang problema, minamadali ng DepEd ang implementasyon ng K+12 kahit sa puntong gawing eksperimento ang ating mga anak,” sabi ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Inihayag ng grupo na nagpupumilit lamang na humabol sa target ng Millennium Development Goals ang administrasyong Aquino upang tumaas ang ratings nito at makapangutang pa sa mga dayuhang bangko at institusyong pampinansya.

Dagdag pa ni Salvador, “Sinasabing agad na makakapagtrabaho ang magtatapos ng anim na taon ng high school. Pero ano naman ang katiyakan nito, gayong hindi naman nadadagdagan ang mga trabaho at papataas pa nga ang unemployment?”

Sang-ayon dito si Nanay Fe. “Sa tingin namin, lalong mahihirapang gumraduweyt ang aming mga anak kahit ng high school. At kung ang nakapag-kolehiyo nga, walang mapasukan, paano pa kaya ang aming mga anak?”

Nananawagan ang Gabriela na itigil ang K+12. “(Dapat na itigil ito,) habang wala pang pinsalang nagagawa ang K+12 sa mga bata.”

“Hindi biro ang dagdag na gastusin para sa dagdag na dalawang taon,” sabi ni Salvador. Kailangan din umanong itaas muna ng gobyerno ang badyet para sa edukasyon. “Marapat lamang ito, dahil kinabukasan ng mga bata ang sinusugal ng gobyerno sa K+12,” pagtatapos ni Salvador.

Special ops, isinasagawa para palayasin mga magsasaka ng Luisita

$
0
0

Lito Bais, lider-magsasaka sa Hacienda Luisita, ibinulgar ang Oplan April Spring sa isang press conference (Ilang-Ilang Quijano)

Ibinulgar ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang “Oplan April Spring,” isang espesyal na plano umano ng pamilya Cojuangco-Aquino at Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) para palayasin ang mga magsasaka sa 500-ektaryang lupain sa loob ng Hacienda Luisita.

Sa isang press conference sa Quezon City, ipinamahagi ng grupo ang kopya ng isang plano na ipinadala sa e-mail ni Anacleto Diaz, abogado ng RCBC, kay dating Marikina Rep. Romeo Candazo, na nagpapakilala sa mga magsasaka ng Luisita bilang representante ng bangko. (I-download ang kopya ng Oplan April Spring)

Idinetalye ng Oplan April Spring ang mga hakbang para makamit ang layuning bakuran ang lupaing inaangkin ng RCBC, kabilang na rito ang panunuhol sa pulisya, mobilisasyon, at paggamit ng midya. May badyet ng P1.545 Milyon ang nasabing plano, na mahigit sa kalahati ay nakalaan sa special operations: P650,000 para sa “Law Enforcement Support” at P120,000 naman para sa “PNP (Philippine National Police) Food and Drinks.”

Ibinigay umano sa KMP ang kopya ng plano ng isang insider sa RCBC na “may simpatya sa mga magsasaka ng Luisita.” Naka-attach ang plano sa isang e-mail ni Anacleto kay Candazo noong Marso 30.

Ayon kay Lito Bais, presidente ng United Luisita Workers Union, patunay ito na patuloy na tinatakasan ang reporma sa lupa ng pamilya ni Pang. Benigno Aquino III, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). “Habang nariyan ang CARP, mahirap ang pakikibaka para sa lupa, dahil patuloy na nakakamaniobra ang pamilya Cojuangco,” sabi ng lider-magsasaka.

“Ang plano ni Aquino na i-extend ang bogus na CARP hanggang 2016 ay bahagi ng mas malaki pang plano kaysa sa Oplan April Spring. Ito ay ang planong pigilan ang distribusyon ng lupa sa buong Luisita,” ayon naman kay Willy Marbella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP.

Oplan April Spring

Ang Oplan April Spring ay isang kampanya paalisin sa nasabing lupain ang mga magsasaka na binungkal ito simula noong nakaraang taon. Mayroon itong layunin na: “To mobilize the community in the completion of the fencing and enclosure of the property, eviction of the intruders and its defense against future saboteurs.” 

Sa pinal na desisyon ng Korte Suprema noong Abril 24 ngayong taon, hindi nito isinama sa distribusyon ng lupa ang 500-ektarya sa Brgy. Balite na ibinenta ng HLI sa RCBC. Ngunit inaapela ito ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform (DAR), at iginigiit na ilegal na binenta ng HLI sa RCBC ang lupa.

Ayon kay Bais, kasabwat ng mga Cojuangco-Aquino ang RCBC sa pagsasagawa ng Oplan April Spring, dahil nasa 187-ektarya lamang umano ang pag-aari ng RCBC, at ang natitira ay pag-aari na ng Luisita Industrial Park Corp.

Sa nasabing plano, kasama sa mga aktibidad ang “propaganda and counter propaganda,” kabilang na ang paid advertisements sa mga dyaryo sa Gitna at Hilagang Luzon, na may badyet na P200,000. May badyet din para sa press conferences, press releases, primers, at tarpaulin hanging.

Kasama rin sa mga aktibidad ang “organization and mobilization” na may kabuuang badyet na P410,000. May badyet ang bawat isang tao sa mobilisasyon na P300 kada araw. May badyet din para sa deputization ng Barangay Security Personnel” na P300 kada tao sa isang araw.

Nasa plano rin ang identipikasyon ng mga kaaway at posibleng alyado (“enemies and possible allies”) mula sa lokal na mga lider at grupo.

Bahagi ng estratehiya at taktika ng nasabing plano ang “one big, decisive push to drive out intruders.” Dapat umano itong isagawa sa loob ng 24 oras na may minimum lamang na karahasan, sa tulong ng “sympathetic neutrality” ng pulisya at korte.

Kuwento ni Bais, nakipagdayalogo sa mga magsasaka si Candazo sa isang pulong noong Abril 13 sa Brgy. Buenavista. Inalok umano ni Candazo ang mga lider na iaatras ng RCBC ang mga kasong isinampa laban sa kanila, kapalit ng pagbabakante ng lupain. Mariin itong tinanggihan ng mga lider ng Ambala (Alyansa ng Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita).

Noong  Abril 27, nagkagirian ang mga guwardiya ng RCBC at miyembro ng Ambala na dumepensa sa kubol na kanilang itinirik sa nasabing lupain. Nabigo ang RCBC na paalisin ang mga magsasaka noon.

Ngunit ayon kay Bais, patuloy na nanunuhol ang RCBC sa mga lider-magsasaksa. Kasabay nito, sinisiraan ng umano’y mga tauhan ng Cojuangco-Aquino ang mga lider ng Ambala at ULWU “para hatiin ang aming pagkakaisa,” aniya.

Naghayag din pangamba ang mga magsasaka ng Luisita sa delay ng DAR sa pagbeberipika ng mga benepisyaryo, na ipinirmi ng Korte Suprema sa bilang na 6,296.

“Ini-interview ng DAR kahit ang hindi mga benepisyaryo. Sa ngayon, nasa 8,000 na ang nai-interview nila, at may hanggang Hunyo 22 pa sila. Ibig sabihin, lolobo pa ang bilang na yan. Ang pangamba namin, posibleng magdulot ng delay at lalo pang gulo ang ginagawang ito ng DAR, dahil aasa ang mga hindi benepisyaryo, at posible silang gamitin ng mga Cojuangco,” sabi ni Bais.

Kilos-protesta sa anibersaryo ng CARP

Inanunsiyo ng KMP ang isang malaking kilos-protesta ng mga magsasaka sa iba’t ibang rehiyon sa Hunyo 11 at 12, bilang paggunita sa ika-24 na anibersaryo ng CARP. Tutol sila sa ekstensiyon ng umano’y huwad na programa sa repormang agraryo.

Ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, “Ang malaking backlog ng DAR sa acquisition at distribusyon ng pribadong mga lupang agrikultural ay patunay nito. Nananatili sa kontrol ng malalaking panginoong maylupa at kompanyang transnasyunal ang malalaking lupain. Nanatiling buo ang mga asyenda gaya ng Luisita, Yulo, at iba pa sa kabila ng pagdaan nito sa 11 programa sa repormang agraryo, at siguradong mananatili itong buo kahit i-extend ang CARP.”

Mga magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, tutol sa ekstensiyon ng CARP, magproprotesta sa ika-24 na anibersaryo ng programa (Ilang-Ilang Quijano)

Nagbigay-daan umano ang CARP sa kanselasyon ng libu-libong mga Certificate of Land Ownership Awards, Certificate of Land Transfer, at Emancipation Patent.

Sa halip, ipinapanukala ng Anakpawis ang Genuine Agrarian Reform Bill bilang alternatibo sa CARP. Hinikayat din ng mambabatas ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na suportahan ang GARB sa halip na CARP.

Para naman sa Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog-Katagalugan (Kasama-TK), ang matagumpay na repormang agraryo ay “mabilis, radikal at may kakayahang mangumpiska ng lupa,” hindi umano katulad ng CARP na “namimili at hinahahayaan ang malalaking asendero na tumakas sa pamamahagi ng lupa.”

Ayon kay Orly Marcellana ng Kasama-TK, nasa 16,478 ektarya sa Bondoc Peninsula at South Quezon ang nananatili sa kontrol ng mga asendero. “Nananatili itong hacienda belt, sa kabila ng 24 na taon ng CARP,” aniya.

Pinoprotesta rin ng mga magsasaka ang pagdeploy ng walong batalyon ng militar sa Bondoc Peninsula at South Quezon, na nagsisilbi umanong “private army” ng mga asendero, kabilang na ang tiyuhin ng pangulo na si Danding Cojuangco.

 

Kaalinsabay ng Araw ng ‘Kalayaan’: Bisita ni PNoy sa US, bisita ng ‘tuta sa amo’

$
0
0
Protesta ng Bayan sa harap ng embahada ng US kontra sa pagbisita ni Pang. Benigno Aquino III sa Washington, DC sa US kamakailan, para pahayagan ang pag-igting ng presensiyang militar ng US sa bansa. (KR Guda)

Protesta ng Bayan sa harap ng embahada ng US kontra sa pagbisita ni Pang. Benigno Aquino III sa Washington, DC sa US kamakailan, para pahayagan ang pag-igting ng presensiyang militar ng US sa bansa. (KR Guda)

Lantad na lantad na: Tulad ng nakaraang mga administrasyon, sunud-sunuran pa rin ang kasalukuyang administrasyong Aquino sa dikta ng gobyernong US.

Para sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kitang kita ito sa katatapos-lamang na pagbisita ni Pang. Benigno Aquino III sa Estados Unidos (US). Sa bisitang ito, nangako ang administrasyon ni US Pres. Barack Obama na tutulong umano sila sa pagpapatrulya ng teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (South China Sea) na lugar ng pinag-aagawang mga teritoryo ng bansa at China. Pumayag din ang administrasyong Aquino sa paggamit sa dating baseng militar ng US sa Clark, Pampanga at Subic, Zambales para sa mga barko at eroplanong pandigma at iba pang pasilidad pandigma nito.

Nangangahulugan lamang nito, ayon sa Bayan, ang pagpayag ng administrasyong Aquino sa pag-igting ng interbensiyong militar ng US sa Pilipinas.

Kolonyal na outpost

“Pagyurak sa soberanya ng bansa ang ginagawa ng gobyernong Aquino sa pagpayag na maging ‘tungtungan ng paa’ ng US ang Pilipinas para sa pagpapakita nito ng kapangyarihan; isang doormat para sa makinang pandigma ng US sa Asya; at kolonyal na outpost ng hegemonyang US,” paliwanag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Kahiya-hiya umano ito dahil papalapit na ang tinatawag na Araw ng Kalayaan ng bansa sa Hunyo 12. Ang mga insidenteng tulad ng bisita ni Aquino sa US ay nagpapaalala lamang sa mga Pilipino na nananatiling “piyon lamang tayo ng US sa laro-sa-kapangyarihan (power play) nito sa rehiyon ng Asya-Pasipiko,” sabi pa ni Reyes.

Para sa militanteng mga grupo, ipinapakita ng mga kilos ni Aquino sa US na tulad ng nakaraang mga administrasyo'y nagpapatuloy lamang ang pagpapakatuta ng gobyerno ng Pilipinas sa US. (KR Guda)

Para sa militanteng mga grupo, ipinapakita ng mga kilos ni Aquino sa US na tulad ng nakaraang mga administrasyo'y nagpapatuloy lamang ang pagpapakatuta ng gobyerno ng Pilipinas sa US. (KR Guda)

Para sa Bayan, hindi umano katanggap-tanggap ang sinasabi ng administrasyong Aquino na tutulungan ang Pilipinas ng US sa diumano’y banta mula sa China. Malinaw ang pahayag ni US Secretary of State Hillary Clinton na hindi makikialam ang US sa bangayan sa pagitan ng dalawang bansa sa usapin ng teritoryo. Sinabi pa ng Bayan na bagamat itinuturing ng US na karibal ang China, di-hamak na mas malaki ang negosyo ng US sa China kaysa sa Pilipinas, kaya hindi ito direktang magbabanta ng giyera sa China sa ngayon.

Nakalulungkot umano na tinitingnan ng gobyerno ng Pilipinas na tila magkapareho ang interes ng US at Pilipinas. “Hindi ito mangyayari. Nais ng US na maging numero unong kapangyarihan sa Pasipiko sa ekonomiya at militar samantalang nagpupunyagi pa lamang na igiit ng Pilipinas, na may mahinang ekonomiya, ang soberanya nito,” ani Reyes.

Tutok ng US sa Asya

Maaninag sa mga pahayag ng mga opisyal ng administrasyong Obama na layunin nitong palakasin ang presensiyang militar sa Asya-Pasipiko para kontrahin ang lumalakas ng impluwensiya ng China, hindi para protektahan ang interes ng mga “alyado” nito tulad ng Pilipinas.

Kasalukuyang iniikot ng mga sibilyan at militar na opisyal ng gobyernong US ang iba’t ibang bansa sa Asya-Pasipiko para humingi ng suporta sa pag-igting ng presensiyang militar ng US sa rehiyon.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni US Defense Secretary Leon Panetta sa Singapore na target ng US na italaga sa Pasipiko ang 60 porsiyento ng buong armadong lakas nito sa karagatan (naval force) pagsapit ng taong 2020. Kasalukuyan kasing nasa 50 porsiyento “pa lamang” ng naval forces nito ang nasa Asya, at 50 porsiyento naman ang nasa rehiyon ng Dagat Atlantiko.

Pumunta rin si Panetta sa Vietnam kamakailan para hilingin sa gobyernong Biyetnames na muling makapagdaong ng mga armadong barko ng US  sa Cam Ranh Bay, dating naval base ng US noong kasagsagan ng giyerang interbensiyon ng US sa naturang bansa (mas kilala bilang “Vietnam War”).

Sa bahagi ng Pilipinas, maliban sa pagpunta ni Aquino sa US, sunud-sunod din ang pagbisita ng mga opisyal ng US sa bansa. Noong nakaraang buwan, bumisita at nakipagpulong kay Aquino at sa liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang hepe ng Joint Chiefs of Staff ng Armed Forces ng US na si Martin Dempsey.

Noong Enero 26-27, 2012, isinagawa sa Washington DC ang ikalawang “strategic dialogue” sa pagitan ng mga opisyal ng US at Pilipinas. Bago nito, noong Enero 3, 2012, inanunsiyo na ng mga opisyal ng US ang “rebalancing” ng mga tropa nito patungong Asya.

Kuha ng Pinoy Weekly sa pagdaon ng USS Essex sa Subic Freeport sa Zambales noong Oktubre 2010. Pinayagan ng administrasyong Aquino ang lalong pagdami ng dumaraong na mga barkong pandigma at iba pang naval vessels ng US sa Subic, Zambales. (KR Guda / PW File Photo)

Kuha ng Pinoy Weekly sa pagdaong ng USS Essex sa Subic Freeport sa Zambales noong Oktubre 2010. Pinayagan ng administrasyong Aquino ang lalong pagdami ng dumaraong na mga barkong pandigma at iba pang naval vessels ng US sa Subic, Zambales. (KR Guda / PW File Photo)

‘Selective patriotism’

Para kay Reyes, napakalaking ipokrito ang administrasyong Aquino sa pagtanggap ng sinasabing military aid (sa uri ng gamit-nang mga kagamitang pandigma) at pag-igting ng panghihimasok ng militar ng US, samantalang todo naman ito sa pagkondena sa mga banta ng China sa Spratlys at Scarborough sa West Philippine Sea.

“Walang nagbago  sa paraan ni Aquino sa pagdala ng foreign policy ng Pilipinas. Ipinagpatuloy niya ang tradisyon ng pagpapakatuta na ipinakita ng lahat ng nakaraang mga pangulo. Nahihibang siya sa paniniwalang iisa ang interes ng Pilipinas at US at sa pamamagitan ng pagkapit sa palda ng US, uunlad tayo bilang bansa,” pahayag ni Reyes, sa piket ng Bayan sa harap ng embahada ng US noong Hunyo 8.

Nagrali ang militanteng mga grupo sa pangunguna ng Bayan noong Hunyo 8 sa harap ng embahada ng US para kondenahin ang official visit ni Aquino sa US. Sa mismong US naman, nagprotesta din ang tsapter ng Bayan doon, kasama ang International League of Peoples’ Struggle, sa pagbisita ni Aquino sa Washington DC.

CARP: 24 taon ng kawalan ng lupa at kalayaan

$
0
0

Drayber ng isang dumaraang pribadong sasakyan, nagpahayag ng suporta sa kilos-protesta ng mga magsasaka sa Araw ng Kalayaan (Ilang-Ilang Quijano)

Kung nagtagumpay ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka, hindi na sila babalik taun-taon sa paanan ng Mendiola para iprotesta ang umano’y huwad na repormang agraryo na pinasimulan ng ina ni Pang. Benigno Aquino III.

Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, at dalawang araw makaraan ang ika-24 na anibersaryo ng CARP, mahigit-kumulang 2,000 magsasaka mula sa Gitnang Luzon, Southern Tagalog, at Negros ang naghayag ng kanilang mga testimonya kung paano wala pa rin silang lupa, at kalayaan, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Mula sa Quezon, nagpupuyos sa galit si Mylene Santoa, tagapag-ugnay ng grupong Piglas-Quezon, at tenante sa Hacienda Tan sa Brgy. Masalaan, bayan ng San Francisco. Nahaharap ang buong South Quezon at Bondoc Peninsula sa matinding militarisasyon bunga ng pagdeploy ng walong batalyon ng Philippine Army para “durugin” ang New People’s Army (NPA).

Mylene Santoa, tenanteng magsasaka sa Quezon: Pinagbibintangang NPA dahil ipinaglalaban ang lupa (Ilang-Ilang Quijano)

Dinukot ng militar si Santoa at ininteroga sa loob ng walong oras, pilit siyang pinaaamin na kasapi ng NPA. “Kung NPA kami, pupunta pa ba kami rito para iparating ang aming mga hinaing?” aniya sa kanyang talumpati sa entablado.

Kuwento niya sa Pinoy Weekly, pinupuntahan ng mga miyembro ng 74th Infantry Batallion ang mga lider-magsasaka sa kanila-kanilang bahay. “Bakit daw kami hindi na lang makuntento sa pagiging tenante,” aniya.

Nasa mahigit 3,000 ektarya ng niyugan sa kanilang lugar ang matagal nang pagmamay-ari ng asenderong si Juanito Tan. Nang mamatay ito, pinaghati-hatian ng kanyang mga anak ang lupa, at walang napunta sa mga magsasaka, sa kabila ng umano’y pagiging saklaw nito ng CARP.

Umiiral ang klasikong pyudal na relasyon: 40 porsiyento lamang ng ani ang napupunta sa kanila, habang 60 porsiyento ang napupunta sa mga asendero. “Sa amin pa ‘yung gastos sa produksiyon. Kaya sa P5,000 na kinikita namin kada paglulukad (kada dalawang buwan), P500 na lang ang natitira, karamihan ay pambayad-utang,” ani Santoa. Halos hindi na umano makapag-aral ang kanyang mga anak.

Ayon sa datos ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), may 16,000 ektarya sa South Quezon at Bondoc Peninsula ang nananatili sa kamay ng mga asendero. Kabilang na dito ang tiyuhin ng pangulo na si Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.

Nang tanungin kung bakit tutol siya sa ekstensiyon ng CARP, iginiit ni Santoa na nabigo ito na ipamahagi ang mga lupain, at nagbibigay lamang ng huwad na pag-asa sa mga magsasaka. Iginigiit niya ang libreng pamamahagi ng lupa, gaya ng nakasaad sa isinusulong na Genuine Agrarian Reform Bill ng Anakpawis Party-list. Paliwanag niya, sa ilalim ng CARP, “hindi rin naman naming kayang bayaran ang Land Bank sa loob ng 30 taon, at mawawala rin sa amin ang lupa.”

"Yankees, Go Home!", isa sa mga popular na islogan noong napatalsik ang baseng Kano noong 1992. Pinaniniwalaang muling nagbabase ang US sa Pilipinas sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement. (Ilang-Ilang Quijano)

Samantala, sa sarbey na isinagawa ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), lumalabas na 41 porsiyento ng agrarian reform beneficiaries na manggagawa sa tubuhan, o 25, 336 sa 61,375, ang naagawan muli ng lupa dahil sa mga iskemang non-land transfer ng CARP, gaya ng Stock Distribution Option (SDO) at corporate joint venture.

Katunayan, lumobo pa nang 5,030 ektarya ang pag-aari ni Cojuangco sa buong isla ng Negros, nang dahil sa nasabing mga iskema sa ilalim ng nakaraang 24 taon ng CARP, ayon sa NFSW.

“Isang kabalintunaan na habang ipinagdiriwang ng bansa ang ika-114 na taon ng umano’y kalayaan nito, alipin pa rin ng pyudal na pagsasamantala ang mga magsasaka, ang mayorya ng mga Pilipino. Ang esensya ng repormang agraryo ay ang libre pamamahagi ng lupa; ito ang pinakamahalagang elemento ng ating kalayaan ngayon,” ani Rodelson Mesa, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura.

Matapos ang kilos-protesta sa Mendiola, nagtungo ang mga magsasaka at iba pang sektor mula sa progresibong mga organisasyon sa embahada ng Estados Unidos. Hinarang sila sa daan ng mahigit-kumulang 50 na pulis. Sa isang programa sa Kalaw Ave., binatikos ng mga grupo ang “pagpapakatuta” ni Pangulong Aquino sa mga interes pang-ekonomiya at pangmilitar ng US, na umano’y patunay ng patuloy na kawalan ng kalayaan ng bansa. (Panoorin ang bidyo ng protesta sa US embassy)  

Iba pang mga larawan ng kilos-protesta:

Gaya ng mga watawat ng Pilipinas na nagkalat sa Kamaynilaan noong araw na iyon, iwinawagayway ng mga magsasaka ang kanilang mga bandila na sumisimbolo ng kanilang patuloy na paglaban para tunay na kalayaan. (Ilang-Ilang Quijano)

 

Martsa ng mga magsasaka patungo sa US embassy, bitbit ang panawagang palayasin ang mga tropang Kano (Ilang-Ilang Quijano)

Kahit naka-dilaw, hindi pro-Aquino ang demonstrador na ito: Binabatikos niya ang pagpapatuloy ng pangulo sa di-pantay na relasyon ng US at Pilipinas. (Ilang-Ilang Quijano)

 

Istrimer na iniladlad ng rebolusyonaryong grupo sa overpass sa Mendiola, para iparating ang kanilang solusyon sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa. (Ilang-Ilang Quijano)

Hinarang ng pulisya ang mga demonstrador pagdating sa US embassy, isang indikasyon umano ng interes na pinagsisilbihan ng mga puwersa ng estado. (Ilang-Ilang Quijano)

 

Pagdagsa ng imported na bigas, ‘kolonisasyon’ muli ng agrikultura

$
0
0

Lokal na magsasaka ng palay, nanganganib ang kabuhayan sa pagdagsa sa merkado ng imported na bigas mula Estados Unidos? (PW File Photo/KR Guda)

Sa talumpati ni Pang. Benigno Aquino III sa komunidad ng mga Filipino-American sa Los Angeles sa pinakahuli niyang bisita sa Estados Unidos, kasama sa kanyang ipinagmalaki ang pagiging “self-sufficient” sa bigas pagdating ng 2013. Umano’y hindi na kailangan pang mag-import ng bansa ng bigas mula sa mga kapitbahay sa Asya.

Ang hindi niya nabanggit, sa katapusan ng buwan, inaasahang lalo pang dadagsa sa merkado ang imported na bigas. Ito ay dahil magtatapos na sa Hunyo 30 ang Quantitative Restrictions (QR) sa bigas na ipinagkaloob ng World Trade Organization (WTO) sa Pilipinas. Isang uri ng tinataguriang Special Treatment, nililimita ng QR ang bolyum ng bigas na maaaring angkatin ng bansa.

Sa isang pahayag, nagbabala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), militanteng organisasyon ng mga magsasaka. “Makakapasok sa bansa ang imported na bigas nang walang taripa, nang walang anumang sagka o limitasyon,” ayon kay Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Ngayon pa lamang, ayon sa KMP, isa sa bawat limang subo ng kanin ay mula sa bigas na inangkat mula sa ibang bansa.

Ang hindi rin nabanggit ni Aquino, isa sa mga dahilan nito ay ang hakbang ng gobyernong US, na katatapos lamang niyang bisitahin ang presidente.

US, malaking exporter ng bigas

Noong Nob. 18, 2011, nagpetisyon ang Department of Agriculture (DA) sa WTO na palawigin pa ang QR sa bigas hanggang 2015, nang magsilbi itong proteksiyon sa lokal na mga magsasaka ng palay. Ngunit hinarang ang petisyon ng gobyernong US, isang malaking exporter ng bigas sa Pilipinas.

(Inihayag mismo ni Agriculture Sek. Proceso Alcala na posibleng “gumaganti” ang US sa inilabas ng ahensiya na Administrative Order (AO) 22, na naghihigpit sa pagpasok ng imported na mga frozen and chilled meat para masiguro ang kalidad nito. Isa ang US sa mga exporter ng karne na apektado sa nasabing kautusan ng ahensiya; inaapela ng gobyerno nito ang AO 22.)

Ang US na ang pangalawa sa pinakamalaking rice exporter sa buong mundo, kasunod ng Thailand. Mula 2000 hanggang 2010, nag-angkat ang bansa ng average na 60,900 metric tons (MT) kada taon mula sa US. Pinakamalaki ang inangkat noong 2001, na umabot sa 100,900 MT.

Sonny Africa ng Ibon Foundation (Ilang-Ilang Quijano)

Sa isang porum noong Hunyo 6 na pinamagatang Recolonization of Agriculture: Quantitative Restrictions and Free Trade Agreements, inihayag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, ang pagiging tagibang ng mga kasunduan sa WTO at iba pang mga FTA na tinatanggal ang mga taripa, o buwis sa inaangkat na mga produkto.

“Kung tatanggalin ang taripa, masisira ang pambansang industriya at agrikultura. Proteksyon ito mula sa murang produkto mula sa ibang bansa na may abanteng teknolohiya at subsidyo,” ayon kay Africa.

Matagal nang inalis ng gobyerno ng Pilipinas ang proteksiyong ito, bilang isa sa pinakauna at pinakamabilis na nagliberalisa sa ekonomiya—bago pa man ang WTO, bago pa man sumunod sa neo-liberal na mga patakarang pang-ekonomiya ang iba pang bansa sa Asya. Padausdos na ang mga taripa ng bansa simula pa noong maagang bahagi ng dekada ‘90. (Tingnan ang graph)

Source: Ibon Foundation

Katunayan, mas maliit pa ang taripang ipinapataw ng Pilipinas sa inaangkat nitong mga produkto, kaysa sa minimum na taripang itinatakda ng WTO. (Tingnan ang table) Ibig sabihin, mas mabilis pa sa ninanais ng mauunlad na bansa ang pagliliberalisa ng gobyerno sa ating industriya at agrikultura.

Sa ngayon, dahil sa QRs, may minimum na limitasyon ang pag-angkat ng bigas na 350,000 MT kada taon. Ngunit ang gobyerno ng Pilipinas ang kusang lumalabag  dito: noong 2010, nag-angkat ang bansa ng 2.4 Milyong MT ng bigas. Tila balewala sa gobyerno maging ang mga konsensyon ng WTO para protektahan ang sariling ekonomiya, ang sariling mga magsasaka.

Pagbaklas sa WTO

Pinaniniwalaang ginagamit ng mauunlad na bansa ang WTO at mga multilateral at bilateral na FTA para puwersahin ang mahihirap na bansa na tanggalin ang mga proteksiyon o suporta ng gobyerno sa sariling industriya at agrikultura. “Ngunit sila mismo, gaya ng US, hindi sinusunod ang mga kasunduan. Nananatiling mataas ang mga subsidyo ng kanilang gobyerno,” ani Africa.

Sa datos ng US DA, lumalabas na umaabot sa US$ 234.7 kada ektarya kada taon ang direktang subsidyong ibinibigay ng gobyernong US sa mga Amerikanong magsasaka. Bukod pa ito sa samu’t saring pautang, subsidyo sa enerhiya, at subsidyo sa irigasyon na umaabot sa USD $210 Milyon kada taon.

Samantala, nananatiling atrasado ang agrikultura, at salat sa suporta ang mga magsasakang Pilipino. “Walang irigasyon ang may 1.3 milyong ektarya ng palayan. Tatlo sa apat na magsasaka ang walang sariling kapital, bukod pa sa walang sariling lupa…Kung gusto ng gobyerno ng food security o self-sufficiency, dapat palakasin ang lokal na produksiyon,” ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Sang-ayon dito si Africa. Kahit pa dinggin ng WTO ang petisyon ng Pilipinas na palawigin ang QRs sa bigas, “Walang saysay ang mga taripa kung wala namang suporta mula sa gobyerno para sa pagpapaunlad ng ating kakayanan sa industriya at agrikultura,” aniya.

Anakpawis Rep. Rafael Mariano (Ilang-Ilang Quijano)

Para kay Mariano, sa halip na ipetisyon ang ekstensiyon ng QRs, dapat nang kumalas ang bansa sa WTO. “Kung mapapalakas natin ang ating sariling agrikultura at industriya, magkakaroon ng purchasing power ang mga mamamayan. Lalakas ang domestic market, at ‘yun ang magiging leverage natin sa pakikipag-usap sa ibang bansa, sa mga kasunduan na mas patas,” aniya.

Ngunit sa ilalim ng administrasyong Aquino, tila malayong marinig ang panawagang ito. Noong Mayo, itinalaga ng pangulo si Arsenio Balisacan na bagong hepe ng National Economic Development Authority. Noong administrastong Arroyo, si Balisacan ang punong negosyador ng Pilipinas sa WTO at iba pang bilateral na kasunduan, bilang undersecretary ng DA.

Napag-iiwanan ng panahon?

Samantala, paparami nang paparaming bansa ang nagpapatupad ng mga proteksiyunistang hakbang sa ekonomiya.

Ayon sa Centre For Economic Policy Research, simula taong 2008, nagpatupad ang iba’t ibang gobyerno ng 1,055 na proteksiyunistang polisiya sa kanilang ekonomiya. Halos kalahati ng proteksiyunistang mga polisiyang ito ay ipinatupad ng mga bansang kabilang sa G20, o pinakamauunlad na bansa gaya ng US, Germany, Russia, at mga bansa sa Europa.

Hindi na rin totoo ang sinasabi ng gobyerno na “mapag-iiwanan” ang Pilipinas kapag hindi sumunod sa agos ng liberalisasyon. Ayon sa United Nations Conference on Trade and Development World Investment Report, noong taong 2000, nasa 147 o 98 porsiyento ng mga polisiya ang tungo sa liberalisasyon ng ekonomiya, at tatlo lamang tungo sa regulasyon o restriksyon. Pagdating ng taong 2010, nasa 101 na lamang ang tungo sa liberalisasyon, at nasa 48 ang tungo sa regulasyon o restriksyon.

Tinitingnan na dulot ito ng bigong mga pangako ng neo-liberal na ekonomiya. Sa halip na umangat ang kabuhayan at kalidad ng buhay ng mayorya sa mamamayan, tila lalo pang dumami ang mahihirap at nagugutom sa mundo. Samantala, lalo namang nakokonsentra ang yaman sa iilang indibidwal.

“Kaya nga nakapagtataka na heto pa rin si Pangulong Aquino na todo-todo sa liberalisasyon ng ekonomiya. Siya ang totoong napag-iiwanan ng panahon,” ani Africa.


Bilanggong konsultant ng NDF minamaltrato ng militar?

$
0
0
Tirso "Bart" Alcantara, inaakusahang lider-rebelde, matapos mahuli ng militar noong Enero 2011. (Karapatan photo)

Tirso "Bart" Alcantara, inaakusahang lider-rebelde, matapos mahuli ng militar noong Enero 2011. (Karapatan photo)

Minamaltrato umano ng militar si Tirso Alcantara, kilala rin bilang Ka Bart, bilanggong pulitikal na itinuturong mataas na lider ng New People’s Army (NPA) at konsultant ng National Democratic Front (NDF) sa usapang pangkapayapaan sa gobyerno.

Ito ang inirereklamo ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), grupong pangkarapatang pantao.

Kasalukuyang nakakulong si Alcantara sa Fort Bonifacio, Taguig City, mula noong nakaraang taon. Maliban sa idinadaing ni Alcantara na pagmamaltrato, ibayong paghihigpit ang nararanasan ng mga nais dumalaw ang ipinapatupad ng mga militar.

Ayon sa Selda, tinangkang dumalaw kay Alcantara ang tatlong staff ng Karapatan, kasama ang dalawang abogado at isang doktor, noong Hunyo 17. Pero hindi umano pinayagang makapasok ang mga staff ng Karapatan.

Tanging ang mga abogado at doktor lamang ang pinayagang makita si Alcantara. Sinabi pa ng grupo na hindi rin nagawang makonsulta nang maayos ng doktor na kasama ng Karapatan si Alcantara dahil hindi pinayagang ipasok ang mga gamit medikal.

“Marami silang pinapakuhang requirements sa amin bago payagang makadalaw ang human rights groups,” pahayag ni Angelina Ipong, pangkalahatang kalihim ng Selda. Ani Ipong, ipinapakuha ang sinumang nais dumalaw kay Alcantara ng permiso at accreditation letter mula sa Commission on Human Rights, Office of the President at sa opisina ng chief of staff ng Armed Forces of the Philippines.

Sa sinumpaang salaysay ni Alcantara, sinabi niyang hindi maayos siyang tinatrato ng militar sa loob ng kampo. Makailang ulit umanong hindi maayos at hindi malinis ang ibinibigay na pagkain sa kanya noong 2011. Inireklamo na ito ng kanyang abogado sa namamahalang mga opisyal ng militar, pero wala pa rin umanong aksiyon ang huli.

“Ilang beses akong binigyan ng ulam na hindi malinis at hindi naluto nang maayos. Minsan ’yung ulam na manok ay may dugo pa at yung isda ay mayroong pang bituka. Noong Disyembre 20, 2011, pagkakain ko ng papaya namanhid at namaga ang aking buong labi na parang nilagyan ng anesthesia,” sabi pa ni Alcantara, sa kanyang sinumpaang salaysay.

Noong Nobyembre 21, aniya, kinuha raw ng militar ang kanyang salamin at ibinalik lamang noong Mayo 26, 2012, pagkalipas ng anim na buwan.

Sinabi pa ni Alcantara sa kanyang salaysay na nagpatuloy ang pagbibigay sa kanya ng pagkain at inuming hindi malinis at pinaghihinalaan niyang nilalagyan ng gamot. Mula umano Enero hanggang Hunyo nitong 2012, makailang-ulit siyang binigyan ng pagkain at tubig na nagdudulot ng pamamanhid sa kanyang labi at pagkahilo.

Kahit may sakit na high blood si Alcantara, patuloy rin siya umanong binibigyan ng pagkaing matataba at kung gulay naman ang ibigay, ito nama’y maalat.

“Isang tanghali noong Marso 2012, pinakain ako ng isda na may sabaw. Nakakita ako ng tatlong palito ng posporo na nakahalo sa ulam na ibinigay sa akin,” ani Alcantara.

Naranasan din umano niyang mabigyan ng pagkaing may halong bubog o pagkaing puno ng langgam.

Ayon pa kay Alcantara, hindi umano nagpapakilala ang isang doktor na tumingin sa kanya noong Marso 10 nang tumaas ang presyon ng kanyang dugo. Matapos ang ginawang ECG sa kanya, binigyan umano si Alcantara ng gamot na naging sanhi ng pagkahilo, pananakit ng ulo at panginginig nito.

Nang tanungin niya ang doktor, kinaumagaha’y sinabi ng di-nagpakilalang doktor na resulta umano ng ECG ang kanyang nararamdaman, ngunit taliwas naman sa sinabi ng isa pang doktor na kilala na ni Alcantara, wala pa daw resulta ang ECG.

“May pagkakataon din na pinapainom nila ako ng gamot sa sakit sa ulo at sipon kahit wala naman akong sipon o sakit sa ulo,” salaysay pa ni Alcantara.

Nangangamba si Alcantara na lalong mapapasama ang kanyang kalusugan at maging kaligtasan kung magpapatuloy ang kanyang pagkakapiit sa Fort Bonifacio.

Para sa Selda, malinaw raw na bahagi ng pagtortyur sa isang bilanggong pulitikal ang “hindi makataong pagtrato” kay Alcantara.

“Hindi makatao ang ginagawa sa kanya. Isa itong porma ng panggigipit at karahasan o tortyur sa isang bilanggong pulitikal,” sabi ni Ipong.

Sinabi pa ni Ipong na hindi dapat nakakulong sa isang kampo militar si Alcantara dahil isa siyang bilanggong pulitikal at konsultant ng NDF.

Bukod sa di-makataong pagtrato, mahigpit din umano sa mga dumadalaw ang mga militar kahit sa sariling pamilya.

Restricted ang dalaw sa kanya. Sabi nga raw niya, mas matagal pa ang paghihintay ng mga dumadalaw sa harapan ng kampo kaysa sa aktuwal na oras ng pagdalaw,” dagdag pa ni Ipong.

Panawagan ng Selda at Karapatan na agarang mailipat sa sibilyang kulungan si Alcantara upang makita at masuring mabuti ng mga doktor, kung hindi man agarang mapalaya.

“Dapat siyang mailipat sa isang regular civilian detention, lalo (dahil) siya’y isang NDF consultant dapat nga kilalanin nila ang Jasig (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees) at dapat palayain ang mga consultant para naman magampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa uapang pangkapayapaan,” ani Ipong.

Ang Jasig ay kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at NDF na nagsasabing di maaaring arestuhin o usigin sa sistemang panghustisya ng katunggaling puwersa ang mga personalidad at lider na aktibong kalahok sa usapang pangkapayapaan.

Krisis sa edukasyon sa ilalim ni PNoy, kinondena ng kabataan

$
0
0
Nagrali ang kabataan para sa dagdag-badyet sa edukasyon at kontra sa programang K+12 sa paanan ng Mendiola, malapit sa Malakanyang, noong Hunyo 19. (Pher Pasion)

Nagrali ang kabataan para sa dagdag-badyet sa edukasyon at kontra sa programang K+12 sa paanan ng Mendiola, malapit sa Malakanyang, noong Hunyo 19. (Pher Pasion)

Muling sinalubong ang kabataan ng taun-taong problema tuwing pasukan na hindi pa rin nasosolusyunan ng mga gobyernong nagdaan.

Kulang pa ring ang guro, klasrum, at iba pang esensiyal na mga kailangan sa paaralan at patuloy na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Samantala, tila nilihis ng administrasyong Aquino ang krisis na ito sa pinag-uusapang K+12 (kindergarten plus 12 years) na programa na isa ring itinuturing problema imbes na solusyon.

Taas at pagkaltas

Sa inaasahang idudulot ng pagkaltas sa badyet ng edukasyon, hindi na halos ikinagulat ng kabataan ang pag-apruba ng Commission on Higher Education sa mahigit 200 pribadong pamantasan ng pagtaas ng matrikula sa pang-akademikong taon 2012-2013 sa average na 10 porsiyento. Nanatili pa ring deregulated o wala sa kontrol ang pagtaas ng miscellaneous fee dahil sa kawalang aksiyon ng pamahalaan.

Sa state universities and colleges (SUCs), naitulak ang mga administrasyon na magtaas ng iba pang bayarin o di kaya ay magpatupad ng mga sistema na sa esensiya ay pagtataas ng singil sa matrikula. Para sa militanteng mga grupo ng kabataan, katulad ito ng nangyari sa Unibersidad ng Pilipinas, sa anyo ipinatupad na mga pagbabago sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP).

Sa naturang programa, sa Bracket A, magbabayad ang estudyante ng P1,500 kada yunit. Dating itinakdang default na bracket ng lahat ng mga estudyante ng UP ang Bracket B, na nagbabayad ng P1,000 kada yunit. Sa mga estudyante namang nangangailangan ng mas mababang bayarin kaysa sa nakatkda sa Bracket B, kailangang dumaan sa proseso ng aplikasyong magpapatunay umanong nangangailangan nila ng diskuwento sa matrikula.

Samantala, sa Polyteknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), nagtaas ang bayarin sa miscellaneous fee para sa mga papasok sa unang taon ng halos sa P500.

“Dapat hindi muna ito ipapatupad, subalit nakakagulat na ipinatupad na nila (Board of Reagents) ito sa paniningil sa mga first year. Ang second year ay apektado para doon sa bayarin sa PE uniform na umaabot sa P300,” pahayag ni Charlie Urquiza, opisyal ng konseho ng mga mag-aaral sa PUP sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon kay Issa Baguisi, pangkalahatang kalihim ng National Union Students of the Philippines, ang ganitong mga pagtaas ay epekto ng kaltas-badyet sa edukasyon na nagtutulak sa SUCs na magkataas ng mga bayarin para mapunuan ang mga kakulangan sa badyet.

“Pagtaas ng mga bayarin sa publikong mga pamantasan ang nagpapalakas ng loob o ginagawang dahilan ng pribadong mga pamantasan upang magtaas ng matrikula,” sabi naman ni Pat Santos, vice-president for Luzon ng College Editors Guild of the Philippines.

K12, solusyong naging problema

Sa pagbubukas ng taon, agad na naging kontrobersiyal ang programang K+12 na dagdag na dalawang taon at mandatory na kindergarten.

Agad naman itong tinutulan ng Kabataan Party-list at ACT Teachers Party-list ang programang ito sa kakulangan pa lamang ng gobyerno sa kahandaan nito sa implementasyon nito.

“Hindi ibig sabihin ng bagong kurikulum ay nangangahulugan na agad ng improvement. Hindi dapat ng magpokus sa academic cycle, isang factor lang ’yan. Mas higit na dapat tugunan ang mga pundamental na problema ng edukasyon,” paliwanag ni Kabataan Rep. Raymond Palatino.

Sa 2012, may kulang na 132,483 guro ang pampublikong mga paaralan. Mayroon ding kulang na 97,685 klasrum at 153,709 na tubig at sanitasyon, ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

“Walo sa bawat sampung kabataan ang kasalukuyang out-of-school youths at nangangamba kami na lalala pa ito sa desperadong pagpapatupad ng K+12 ng administrasyong Aquino,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Sa implementasyon ng K+12, ginagawang lehitimo ang pagkaltas sa badyet ng mga serbiyong panlipunan gaya ng edukasyon. Ayon sa Anakbayan, sang-ayon ito sa landas na nais ipatahak sa administrasyong Aquino ng pinagkakautangang mga pandaigdigang institusyong pampinansiya tulad ng International Monetary Fund, World Bank at Asian Development Bank.

“Ang administrasyong Aquino ay pumapaloob sa malakihang bentahan ng kinabukasan ng kabataan,” dagdag ni Crisostomo.

Kapabayaan at paglaban

Paliwanag pa ni Santos ng CEGP, kailangang mabigyang-diin sa pambansang gobyerno na dapat sapat na pondohan ang edukasyon.

Ayon pa sa Anakbayan, nitong nakaraang taon ay naglalaan lamang si Aquino ng P238.8 Bilyon, o nasa P7.00 kada estudyante kada araw para sa edukasyon. Sa halip na 6% ng gross domestic product  ang ginagastos sa edukasyon sa edukasyon, ayon sa rekomendasyon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco), umaabot na lamang ito sa 2.1%

“Kaya lamang makalikha ng empleyo sa pamamagitan ng dayuhang pamumuhunan at export labor policy ang ekonomiya ng Pilipinas. Si Aquino ay patuloy sa implementasyon sa ganitong polisiya sa edukasyon upang maging mas mura ang lakas-paggawa ng mga Pilipino at manaig sa kumpetisyon sa dayuhang mamumuhunan sa mga atrasado, agrikultural at di-industriyalisadong bansa,” pagtatapos ni Crisostomo.

Nakatakdang magmobilisa ang mga kabataan sa Hunyo 26 sa Mendiola sa kaalinsabay ng diyalogo ng mga lider-kabataan at guro sa Malakanyang sa usapin ng K+12. Bahagi ito ng paghahanda para sa mga kilos-protesta kaalinsabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Aquino.

Pinoy OFWs: Tagasalba na, pinahihirapan pa

$
0
0
Cherry Clemente ng Migrante: Lalong pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, sa ilalim ng administrasyong Aquino. (Darius Galang)

Cherry Clemente ng Migrante: Lalong pagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, sa ilalim ng administrasyong Aquino. (Darius Galang)

Isa sa pinakamalaking sakripisyong binabalikat ng maraming bilang ng mga Pilipino ang pangingibang bansa para sa kabuhayan ng kanilang mga pamilya. Malinaw ang dahilan ng pangingibang-bayan: kawalan ng sapat na trabaho sa Pilipinas.

Ayon sa Department of Labor and Employment ng gobyerno, aabot na sa 15 milyong Pilipino na nasa ibang bansa.

Kaalinsabay ng nalalapit na pagtatapos ng ikalawang taon ng panunungkulan ni Pang. Benigno Aquino III sa poder, sinuri ng Migrante International ang kalagayan ng migranteng Pinoy sa buong mundo.

Dahil sa kawalang trabaho

Napag-alaman ng Migrante na sa kabila ng hirap ng pangingibang-bansa, lalong tumataas ang bilang ng mga Pilipinong lumabas ng bansa. Umabot ito sa 5.2 porsiyento, o karagdagang 1.23 milyong Pilipino noong nakaraang taon mula noong 2010.

Makikita umano ito sa datos mismo ng gobyerno: Ayon sa Department of Labor and Employment ng gobyerno, aabot na sa 15 milyong Pilipino na nasa ibang bansa.

Ayon sa Migrante, may direktang kinalaman ang paglaki ng bilang ng mga nangingibang bansa sa pagtindi ng kawalang trabaho at oportunidad sa Pilipinas. Sa tala mismo ng National Statistics Office, napag-alamang tumaas nang 7.2 porsiyento noong isang taon ang tantos ng kawalan ng trabaho, mula sa 7 porsiyento noong 2010.

Tumaas rin sa 19.1 porsiyento ang tinatawag na underemployed, mula 17.9 porsiyento noong 2010. Direktang may kinalaman umano ito sa pagtaas ng bilang ng mga nangingibang bansa. Sa ngayon, isa sa apat na Pilipino ang walang sapat na trabaho o underemployed.

Walang malinaw na programa ang administrasyong Aquino para makapaglikha ng trabaho sa sariling bansa, maliban sa ibinabanderang sunshine industry na business process outsourcing o call centers. Kaya naman, di nakapagtatakang aktibong itinutulak ng gobyerno ang polisiya ng pag-eksport sa lakas-paggawa ng mga Pilipino.

Sa ngayon, ikaapat na sa mundo ang Pilipinas na nagpapalabas ng kanyang lakas-paggawa (nangunguna ang China, Mexico at India). Inamin mismo sa Philippine Development Plan 2011-2016 ni Aquino na isa sa pinakamalaking bahagi ang remitans ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa nakakasalba sa ekonomiya ng bansa. Katunayan, mas malaki ang ganansiya galing sa remitans, galing man sa pormal o impormal na paraan, kumpara sa pinagsamang portfolio investments, business processes outsourcing, pag-eeksport, at turismo.

Hindi sikreto na umaasa ang Pilipinas sa remitans upang isalba ang ekonomiya nito. Noong 2010, umabot na nang 8.7 porsiyento ng Gross National Product ng bansa ang pumapasok na salapi galing sa OFWs sa gitna ng pandaigdigang krisis pangekonomiya.

Dahil sa lumalaking bilang ng mga OFW, nagagawa pa umano ng gobyerno na “gatasan” sila, sa uri ng kaliwa’t kanang koleksiyon, bayarin at buwis.

“Sa OWWA (Overseas Workers Welfare Agency) pa lamang, kumikita na ang gobyerno nang mahigit P5-Milyon bawat araw sa 4,500 Pilipinong lumalabas araw-araw para mag-abroad,” ani Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Sectoral Party.

Sa kanilang pagsusuma, aabot ito ng hanggang P80-milyon kada araw, kung ang 4,500 na lalabas ng bansa ay gagastos ng average na P20,000. Hindi pa rito kasama ang babayaran niya sa ahensiya na magpapaalis sa kanya tungo sa ibang bansa.

Walang nangyari sa pangako

Noong kampanya sa pagkapresidente ni Benigno Aquino III, sinabi niyang kaseguruhan sa trabaho at proteksiyon sa kanilang buhay at kabuhayan ang adyenda ni Aquino sa OFWs.

Pero para kay Cherry Clemente ng Migrante Sectoral Party, malayo sa reyalidad ang naganap nang maupo sa puwesto si Aquino. “Nakita natin na sa loob ng dalawang taon (na panunungkulan niya), ang hatol ng mga migrante ay isang malaking kasinungalingan ’yung kanyang mga pangako. Mas naging intensified ang puwersahang migrasyon, sa pagtangi niya at kahit pa ng mga nakaraang administrasyon na magkaroon ng pambansang industriyalisasyon,” ani Clemente.

Pambansang industriyalisasyon, o aktibong pagpapayabong ng batayang mga industriya ng bansa para sa sariling kapakanan, ang isa sa mga itinutulak ng Migrante bilang pangmatagalang solusyon sa kawalang trabaho. Kaalinsabay umano nito ang pagtutulak ng tunay na reporma sa lupa, o pamamahagi at pagbibigay-karapatan sa mga magsasaka na malayang makapagtanim sa mga lupaing sakahan at paunlarin ang produksiyong agrikultural, para sa pangmatagalang paglutas sa kahirapan sa bansa.

Para sa Migrante, malayung malayo sa mga panukalang ito ang ipinapatupad ni Aquino. Sa halip na industriyalisasyon, lalong pagkatali sa dayuhang pamumuhunan at eksploytasyon. Sa halip na repormang agraryo, lalong pagpapalakas ng kontrol ng iilang panginoong maylupa sa mga lupaing agraryo.

At habang pinaiigting ang labor export policy, lantarang bigo rin ang administrasyon sa pagbigay- proteksiyon sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Halimbawa nito, ani Clemente ang lalong pagkakalagay sa peligro ang daan-daang Pilipino sa bansang Syria, na nasa gitna ng isang madugong giyerang sibil. Napakalaking problema umano ang repatriation o paglilikas sa mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan doon. Pero hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang repatriation ng mga nais nang umuwi sa Pilipinas, ani Clemente.

Kaliwa’t kanan ang mga kaso ng pang-aabuso, pagpapahirap at pagpapabaya sa mga OFW sa buong mundo na naiuulat sa Migrante.

Sila na nga ang nagsasalba sa bayan, sila pa umano ang pinahihirapan.

Walang tunay na pagbabago sa dalawang taon ni Aquino – Bayan

$
0
0

Walang tunay na pagbabago sa dalawang taong panunugkulan ni Pangulong Benigno Aquino III, ayon sa progresibong mga grupo. (Pher Pasion)

Kung ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang tatanungin sa nakalipas na dalawang taon ni Benigno Aquino III bilang pangulo, wala itong pinag-iba sa naging mga pangulo ng bansa na naging sunud-sunurang lahat sa nais ng mga uring mapagsamantala at dikta ng dayuhan sa pangunguna ng US sa kapariwaraan ng mga ordinaryong mamamayan.

Ganito inilarawan ng iba’t ibang progresibong grupo ang kanilang mga kalagayan sa ilalim ni Aquino nang magprotesta sila sa Mendiola at pagkatapos ay sa embahada ng Amerika kung saan sila nakipaggirian sa mga pulis nang harangin ng mga ito.

“Dalawang taon na nang ipahayag ang “Daang Matuwid.” Si Gloria Arroyo ay naka-hospital arrest. Si Gen. (Jovito) Palparan ay hindi pa nahuhuli. Bigo ang gobyerno na pigilan ang kawalang trabaho, kahirapan, at kagutuman. Habang hindi bumubuti ang sitwasyon, nagsisimula nang makita ng mga mamamayan kung tungkol ba talaga saan ang gobyernong ito,” pahayag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Walang dapat ipagdiwang

Walang naging makabuluhang pagbabago ang dalawang taon ni Aquino bilang pangulo, bagkus, lumala pa ito sa kasalukuyan, ayon sa iba’t ibang sektor sa ilalim ng Bayan na nagpahayag ng kani-kanilang kalagayan.

“Sa ilalim ng rehimeng ito, ang mga ubod-ng-yaman ay lalong yumaman, at ang mga mandarambong at lumalabag sa karapatang pantao ay hindi naparurusahan. Iniisip ng gobyernong ito na kaya nitong linlangin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng mga gimik. Ito ang gobyernong gumagamit ng mga “sandata ng pangmadlang panlilinlang” tulad ng Conditional Cash Transfer, Public-Private Partnership, at walang lamang retorika ng anti-korupsyon,” pahayag ni Reyes.

Patuloy na nagpapakatuta ang administrasyong Aquino sa dikta ng dayuhan. (Pher Pasion)

Inilahad ni Reyes ang patuloy na pagpapakatuta ng administrasyong Aquino sa mga dayuhang intitusyon gaya ng International Monetary Fund (IMF) na dominante ng mga kapitalistang bansa sa pangunguna ng Amerika, kung saan nakatakdang maglaan ng $1 Bilyong dolyar ang gobyerno ni Aquino habang lumalaki ang bilang ng nagugutom na mga Pilipino.

Kinondena rin ni Reyes ang patuloy na interbensiyong militar sa bansa gaya ng patuloy na pagdating ng mga tropang Kano sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng Visiting Forces Agreement (VFA) at paggamit ang iba’t ibang sasakyang pandigma gaya ng submarino na bigla na lang sumusulpot sa teritoryo ng Pilipinas.

Ampaw na pag-unlad

Ipinaliwanag ni Reyes na sa kabila ng “paglago” ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, kawalan ng trabaho, kagutuman at kahirapan ay tumaas sa nakalipas na sarbey ng Social Weather System (SWS). Habang may 15 bilyonaryo sa bansa, mayroon itong 10-11 milyong pamilya o mahigit sa 50% ng kabuuan, ang nagsasabing mahirap sila. Karamihan sa mga ito ay nasa kanayunan na pangunahing problema pa rin ang kawalan ng tunay na repormang agraryo, diin ng Bayan.

Ayon naman kay Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), mas napasama ang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ni Aquino. Mas binarat umano ngayon ang sahod ng mga manggagawa sa implementasyon ng two-tiered wage system na kakaltas at magpapako sa sahod ng mga manggagawa, mas malaganap ang trabahong kontraktuwal, at mas matindi ang kawalang trabaho.

“Dahil sa patuloy na kawalang trabahong malikha sa bansa at nakaasa sa mga dayuhan ang gobyernong ito, libu-libong manggagawang Pilipino ang umaalis patungong ibang bansa araw-araw para magpaalipin sa iba’t ibang paraan; pinahihirapan; ginagahasa,” pahayag ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

“Nagpatupad pa nga si Aquino ng mga mayor na patakaran na lalong magpapababa sa halaga ng lakas-paggawa ng bansa. Salot siya sa mga manggagawa pero biyaya para sa malalaking kapitalista,” dagdag ni Labog.

Ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, ipinakita ni Aquino sa dalawang taong panunungkulan ang sarili bilang “American Boy” na nagpapatupad ng mga anti-mamamayan, anti-nasyunalista, at anti-progresibong polisiya sa kagustuhan ng kanyang mga kolonyal na panginoon.

Sinang-ayunan naman ni Gemma Canalis, tagapangulo ng League of Filipino Students (LFS), ang KMU sa epekto ng K+12 sa mga manggagawa na lilikha ito ng mga manggagawang tatanggap ng murang lakas paggawa at hihila pababa sa sahod ng mga manggagawa sa kapakinabangan ng mga kapitalista at dayuhan.

Nagpahayag naman ng pagkabahala ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pagtatapos ng quantitative restrictions na ipinatupad ng World Trade Organization (WTO) ngayong buwan na nangangahulugan ng muling pagbuhos ng mga inangkat na bigas sa tulad ng “malayang kalakalan” na tiyak na magpapahirap sa mga magsasaka, ayon sa grupo.

“Inaasahan namin ang paglala ng pangangamkam sa lupa, pagpapalit-gamit sa lupa, pagiging depende sa pag-aangkat ng bigas, kagutuman at kahirapan,” pahayag ni Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Tunay na repormang agraryo pa rin ang sigaw ng mga magsasaka sa kanayunan. (Pher Pasion)

Kasama ng KMP ang Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) at mga mangagawang bukid sa Hacienda Luisita na nagpahayag ng patuloy na paggigipit, panlilinlang, at militarisasyon sa loob ng Hacienda Luisita na pinag-aari ng pamilya Cojuangco-Aquino.

Kinondena naman ng Health Alliance for Democracy (Head) ang Public-Private Partnership (PPP) ng administrasyong Aquino kung saan isasailalim ang 26 na publikong ospital sa korporitisasyon na sa esensya ay pribatisasyon, habang ang mga benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan tulad ng hazard pay at subsistence allowance ay binawasan o hindi na ibibigay.

Paghahanda sa SONA

Sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Aquino, inaasahan na ng Bayan ang pagyayabang ng administrasyon sa pagpapatalsik kay Corona at sa umanong paglago ng ekonomiya ng bansa. Subalit iisa ang naging pahayag ng mga organisasyon sa ilalim ng Bayan: mas malaking kilos protesta ang isasalubong nila sa SONA ni Aquino upang ipakita ang tunay na kalagayan ng mamamayan na nalulunod sa kumunoy ng kahirapan habang patuloy pa rin ang gobyerno sa pagpapakatuta sa dayuhan.

“Ang sinasabing daang matuwid ni Aquino ay naghatid sa atin sa bangin at higit na naglugmok sa atin sa krisis. Makatuwiran para sa mga mamamayan ang magprotesta laban sa mga polisiya ng rehimeng ito na nagpapahirap sa mamamyan,” pahayag ni Reyes.

Militarisasyon sa Quezon at pakikipagsapalaran ng Mercy Mission

$
0
0

Mariing tinututulan ng mga mamamayan ng Timog Quezon  ang militarisasyon sa kanilang lugar. (Pher Pasion)

Marso nitong taon nagsimula ang pagtindi ng militarisasyon sa katimugang Quezon. Ito ang unang pagkakataon na nagpadala ng ganitong karaming tropa ng militar sa naturang lugar, mas marami pa noong Batas Militar, ayon sa Save Bondoc Peninsula Movement (SBPM).

May 4,000 sundalo mula sa walong batalyon ang nakakalat ngayon sa probinsya ng Quezon kung saan nakakonsentra ang mga ito sa dalawang distrito sa Timog Quezon na may sakop na 22 munisipalidad.

Ito ang nagtulak sa mga iba’t ibang organisasyon, party-list, at iba pang indibidwal na sumama sa walong araw na Mercy Mission and Peace Caravan sa probinsiya bilang tugon sa umano’y lumalalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao dulot ng militarisasyon.

Layunin ng nasabing misyon ang magbigay ng mga serbisyo tulad ng medical, dental, relief operations, fact-finding, kultural, psyhco-social therapy at ecumenical services sa tinatayang 1,500 residente sa Timog Quezon at Bondoc Peninsula.

“Mainit” na salubong

Mainit na sinalubong sa pamamagitan ng isang public forum ang mga delegado ng Mercy Mission sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. (Pher Pasion)

Matapos ang kanilang walong araw na misyon, inilahad ng Mercy Mission ang kanilang naging karanasan sa isang public forum sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman bago sila tumulak sa Times Street sa bahay ni Pangulong Benigno Aquino III. Matapos ito’y nagprotesta din sila sa harapan ng Department of National Defense (DND) upang kondenahin at ilantad ang Oplan Bayanihan.

Ayon sa Mercy Mission, umaabot sa 128 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang kanilang naitala, kabilang ang 16 na pagpatay at tatlong sapilitang pagdukot. Hindi pa kasama dito ang mga hindi nais maitala dahil sa takot na baka balikan sila ng mga militar.

“Sa pagpunta pa lamang doon sinalubong na kami agad ng mga black propaganda na isinabit nila na kabilang daw sa New People’s Army (NPA) ang misyon na ito. Sabi ng mga mamamayan na nakakita, mga militar ang nagsabit, namigay pa ng mga polyeto na mapanira sa amin. Tatlong beses pa kaming hinarang ng mga sundalo. Naglagay pa ng mga pakong pantusok sa daanan ng aming mga sasakyan,” ayon kay Orly Marcellana, tagapagsalita ng SBPM.

Ilan naman sa naitala ng Karapatan ang mga kaso tulad ng kay Mylene Santua, isang lider-masa na pinipilit kunin ng mga militar. Hanggang sa pag-uwi sinundan si Mylene sa kanila, kung saan nakaranas ng pananakot ang kanyang mga anak.

Gayundin, ang nangyari kina Dominic at Mark (itinago ang identidad para sa seguridad) na dinukot ng mga pinaghihinalaang sundalo matapos silang dumalo ng kasal. Nagpakilala diumano ang mga dumukot sa kanila na mga NPA at hinahanap sa kanila si “Ka Jun” at tinatanong kung saan nakatago ang M16. Nang walang mapiga dahil inosente ang mga ito, pinakawalan ang dalawa at tinanong kung kanino sila kampi kung sa NPA ba o sa sundalo. Sumagot sila na kampi sila sa sundalo dahil sa takot.

Noong Marso 30, ipinatawag ng Philippine National Police (PNP) ang may 14 na katao sa pamamagitan ng barangay. Karamihan di pumunta dahil sa takot. Ang iba pinuntahan sa mga bahay at pinaghahalughog ang mga ito, may hinahanap daw na kriminal.

“Natatakot ng ang mga magsasaka dahil sa hindi na sila puwedeng gabihin sa bukid o di kaya ay pumunta ng maaga dahil sa takot na paghinalaan silang mga NPA. Pinapupunta sa kampo ang mga ito at kung hindi magpunta ilalagay na sa Order of Battle. Kung ayaw mag-Cafgu (Civilian Auxilliary Geographical Unit), NPA na sa kanila,” pahayag ni Marcellana.

Habang ang mismong Mercy Mission ay sinundan ng mga militar, kinukunan ng mga litrato at bidyo lalo na ang mga lider-masa, ayon sa SBPM.

“Tinakot ng mga sundalo ang mga mamamayan na kapag nagpunta sila sa amin (Mercy Mission) ay magkakaroon ng gulo. Pinaghandaan nila ang pananabotahe sa amin,” dagdag ni Marcella.

Ayon kay Marcellana, kinuha pa umano ng mga militar ang kanilang gagamitin para sa medical and relief operations, at biglang nagkaroon ng sariling medical and relief operations ang mga militar.

Bata, bata, mahuli taya

Nagsagawa naman ang Children’s Rehabilitation Center (CRC) ng psychological therapy sa mga batang nakaranas ng militarisasyon sa Brgy. Talisay sa bayan ng San Andre at San Francisco, Quezon. Nasa may 200 bata edad lima hanggang 16 taong-gulang mula elementarya at hayskul ang sumailalim sa counseling. Karamihan sa kanila ay biktima ng sapilitang paglikas dahil sa militarisasyon.

“’Yung mga bata nagkakaroon ng takot kapag nababanggit ang mga sundalo. Lumilitaw sa kanilang mga output gaya sa mga drawings, ang kanilang mga pangamba o takot sa mga militar. Ang iba sa kanila nakaranas ng direktang pandarahas kung saan pinasok ang kanilang mga bahay ng mga militar at tinatanong kung NPA ba ang kanilang mga magulang at kung may itinatagong mga baril,” ayon kay Jacqueline Ruiz, executive director ng CRC.

Dagdag pa ni Ruiz, ang paggamit ng mga eskwelahan ay nagdudulot din ng trauma sa mga bata kung saan nagpupunta ang mga sundalo na may dalang mga baril. Ang ibang mga bata ay inuutusan ng mga sundalo para bumili ng sigarilyo, alak at pinag-iigib ng tubig para makaligo ang mga sundalo sa halagang P5.00.

“Natatakot nang pumunta ang mga bata sa eskwelahan dulot nito. Nangangamba ang mga bata na tulad ng iba nilang mga kalaro na mawala din ang mga magulang nila, na baka dukutin din o di kaya ay patayin. Malayo pa lang ang mga sundalo, natatakot na o nagtatago,” dagdag ni Ruiz.

Sa mismong pinagdausan ng Mercy Mission ay may mga militar umano na umaaligid upang manmanan ang mga grupong nagsasagawa ng nasabing misyon at kumuha pa ng mga larawan.

“Walang sinisino ang mga militar kahit na mga bata. Limang bata na ang namatay sa ilalim ni Aquino, patunay na nagpapatuloy ang paglabag sa karapatang pantao lalo na sa mga bata,” diin ni Ruiz.

Maskara ng Oplan Bayanihan

Ayon kay Marcellana, ang pagdedeploy ng militar sa Quezon ay pagprotekta sa interes ng mga lokal na naghaharing-uri at dayuhan.

“Narito sa Quezon ang mga malalaking hacienda gaya ng pagmamay-ari nina Danding Cojuangco, Victor-Reyes, at James Murray na isang dayuhan. Dikit-dikit ang mga hacienda at rancho nila,” pahayag ni Marcellana.

Paliwanag ni Marcellana, kawalan ng lupang sinasaka para sa mga magsasaka dulot ng mga pangangamkam na ito ng mga panginoong maylupa at dayuhan kung kaya nagpapatuloy ang laban ng mga mamamayan para sa tunay na repormang agraryo. Ang paglakas umano ng laban ng mga mamamayan ang isa sa matingkad na dahilan ng pagkakaroon ng bata-batalyong militar sa lugar.

Dagdag pa ni Marcellana, layunin din ng mga militar na protektahan ang interes ng mga kompanya ng mina, na tiyak na tututulan ng mga mamamyang maaapektuhan ng mapanirang paraan ng pagmimina.

“Hindi militar ang kailangan namin kundi tunay na repormang agraryo at serbisyong panlipunan,” diin ni Marcellana.

Matagumpay na misyon

Sa kabila ng marahas na salubong ng mga militar sa Mercy Mission, isa pa rin itong tagumpay, ayon sa SBPM.

“Sa kabila ng kanilang mga pananakot at black propaganda laban sa amin, hindi pa rin napigilan ang mga mamamayan ng Quezon na magpunta sa Mercy Mission. Marami pa ring naserbisyuhang kababayan sa medikal at dental gayundin sa mga bata na sumailalim sa counseling,” ayon sa SBPM.

Ayon sa grupo, panimula pa lamang ito sa pagtulong sa mga nasasalanta ng militarisasyon at paglantad sa tunay na mukha ng Oplan Bayanihan ni Aquino na target din ang mga sibilyan sa kanilang laban sa mga NPA.

Pangamba pa rin ng grupo ang pagpapatuloy ng karahasan sa pananatili ng mga militar sa lugar.

Viewing all 181 articles
Browse latest View live